Walang kukurap sa Agosto 2022

TomasinoWeb
10 min readAug 30, 2022

--

Nina Kurt Alec Mira at Jeann Bunyi

Likha ni Kurt Alec Mira/TomasinoWeb

Kapag dumarating ang buwan ng Agosto, dalawa lang ang iniisip ng karamihan: ang kanta ni Taylor Swift na nagsisimula sa, “Salt air, and the rust on your door,” at ang pagbabalik-eskwela na nangangahulugang tapos na ang kaligayahan ng summer break.

Sa pagdating ng bagong taong panuruan, para bang nag-enroll tayo sa International State College of the Philippines. Hindi mo alam kung biro lang ang mga nangyari dahil laging mayroong mga balitang hindi mo talaga aasahang totoo pala.

Maraming dala ang buwan na ito. Kaya kung kumurap ka man, narito ang ilan sa mga kaganapan na dapat mong balikan.

1. Pilipinas, hindi na muling sasali sa ICC

Larawan mula kay Jam Sta Rosa/AFP/Getty Images

Sa unang araw ng Agosto, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang intensyon ang Pilipinas na muling sumali sa International Criminal Court (ICC).

“Sinasabi naman namin na may imbestigasyon naman dito, at patuloy rin naman ang imbestigasyon. Bakit magkakaroon ng gano’n [sa ICC]?paliwanag ng pangulo sa isang panayam noong bumisita siya sa Pasig City Sports Complex vaccination site.

Ibinahagi rin ni dating spokesperson Harry Roque na may plano ang dating pangulong Rodrigo Duterte na bakuran ang anumang pagsubok ng ICC na arestuhin siya, bago pa man umaksyon ang gobyerno ukol sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga kasong labag sa karapatang pantao laban sa dating pangulo.

Samakatuwid, walang balak ang dating pangulo na makipag-ugnayan sa “mga dayuhang institusyon at korte” at aniya’y huwag makialam ang mga ito sa prosesong hudisyal ng Pinas.

2. Mainam na panlaban sa disinformation ang ‘Katips: The Movie’

Larawan mula sa The Global Filipino Magazine

“Mas lamang ang may alam,” ika nga nila.

Kuwento ng pagtindig, pagmulat, at pakikibaka, ‘yan ang ipinamalas ng pelikulang musikal na Katips: The Movie. Ngayong naghahari ang pagkalat ng disinformation, ang pelikulang ito ay tila isang sandata na siyang sumusugpo sa patuloy na pagbabastardo ng mga masalimuot na kaganapan noong Batas Militar. Ang kasaysayan ang siyang humuhubog sa bawat Pilipino; ang kalimutan at baguhin ito ay isang malaking sampal para sa mga yumao at biktima ng diktaduryang Marcos Sr..

“You know, as an artist, it is also our objective not just to entertain people, but more important than that, we are here to educate. So, we also want to educate the young people about the atrocities of Martial Law. Medyo nakalimutan natin ‘yun eh,” ayon sa direktor ng pelikula na si Vince Tañada sa isang panayam.

Ngayong nagbalik sa palasyo ang mga Marcos, patuloy pa rin ang kanilang adyenda na baluktutin ang kasaysayan, at isa na rito ang pagsalang ng Maid in Malacañang sa sinehan. Samot-saring maling impormasyon ang inilahad ng pelikula, kabilang na rito ang balikukong paglalarawan nito sa mga Carmelite nuns, na siyang klinaro ng peryodistang si Anne Nelson sa isang tweet.

3. Paghain ni Robin Padilla ng ‘same-sex union’ bill sa senado

Larawan mula sa opisyal na Facebook page ni Robin Padilla

Sa hindi inaasahang pagkakataon, inihain ng baguhang senador ang Civil Unions Act para gawing legal sa korte ang pagsasama ng dalawang magkapareho ang kasarian.

Iminumungkahi ng panukalang ito ang pagdaragdag sa mga karapatan ng mga Pilipinong parte ng LGBTQ+ kung saan magkakaroon sila ng lisensya upang magdiwang ng ‘civil union’ at matatamasa ang mga benepisyo at proteksyon na mayroon ang mga mag-asawa sa ilalim ng mga umiiral na batas.

Habang suportado ito ng mga senador katulad nina Risa Hontiveros at Joel Villanueva, hindi naman ito ikinatuwa ng mga institusyong panrelihiyon sa bansa, kung saan nawalan ng suporta si Padilla mula sa grupo ng mga Muslim sa Marawi at binatikos naman ito ng Simbahang Katoliko.

Bukas naman si Padilla sa mga talakayan ukol sa nasabing panukalang batas.

4. Mga kapanapanabik na K-girl group comebacks

Larawan mula sa opisyal na Facebook page ng Girls’ Generation

Maraming pasabog ang naganap ngayong Agosto mula sa mga tinitingalaang South Korean girl groups na Girls’ Generation, BLACKPINK, TWICE, IVE, at MAMAMOO+.

Para sa kanilang ika-15 na anibersaryo ng kanilang debut, inihandog ng Girls’ Generation ang kanilang ikapitong full album na FOREVER 1 pagkatapos ng limang taong paghihintay.

Todo suporta ang mga Blinks para sa pagbalik ng BLACKPINK, matapos ang dalawang taong pag-aabang, kasama ang pre-release single na Pink Venom. Inanunsyo rin ng YG Entertainment na magkakaroon ng ikalawang full album sa Setyembre ang grupo na pinamagatang Born Pink, pati na rin ang kanilang nalalapit na world tour na magsisimula sa Oktubre.

Rising rookies kung ituring, labis na inabangan ng madla ang pagbabalik ng IVE nang inilabas ang kanilang bagong single album na After LIKE, pati na rin ang music video nito.

S’yempre, hindi nagpahuli ang TWICE para sorpresahin ang kanilang fans nang inilunsad ang music video ng kantang Talk That Talk noong ika-26 ng Agosto, na bahagi ng kanilang ika-11 na mini album na BETWEEN 1&2.

Bilang pahabol bago matapos ang buwan, dalawang miyembro ng MAMAMOO na sina Solar at Moonbyul ay tuluyang nag-debut bilang kauna-unahang subunit na kanilang grupo, ang MAMAMOO+.

5. Pinalabas na ang unang season ng ‘Drag Race Philippines’

Larawan mula sa Drag Race Philippines/WOW Presents Plus

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng telebisyon sa bansa, pinalabas na ang sarili nating bersyon ng Rupaul’s Drag Race noong ika-17 ng Agosto. Ito ay isang kompetisyon kung saan labindalawang kalahok ang magkatunggali upang maging kauna-unahang ‘Drag Race Superstar’ mula sa Pilipinas.

Tulad ng ibang prangkisa nito, ang mga kalahok ay magtutuos sa iba’t ibang hamon kung saan ang dalawang pinakamababa ay nanganganib maligwak at kailangang mag-lip sync ng mga tanyag na musikang Pinoy tulad ng Tala ni Sarah Geronimo at I’m Feeling Sexy Tonight ni Chona Cruz, na ginamit sa una at pangalawang episode.

Ang pangunahing host at judge ng palabas ay ang sikat na aktor at impersonator na si Paolo Ballesteros, habang kasama naman niya si Drag Race alumni Jiggly Caliente at si Kaladkaren.

Sa direksyon ni Ice Seguerra, kauna-unahan din ang Drag Race Philippines na nagkaroon ng “Untucked” sa labas ng Estados Unidos, isang spin-off ng Drag Race kung saan mapapanood ang mga kaganapan sa likod ng kamera. Ang mga episode ng palabas ay mapapanood sa WOW Presents Plus, sa Discovery+, at sa HBO Go.

6. Muling pagbabalik ng Thomasian Welcome Walk

Larawan ni Justine Xyrah Garcia/TomasinoWeb

Matapos ang dalawang taong pagkakatigil dahil sa COVID-19, muling inilunsad ng unibersidad noong Agosto 9 ang tradisyon na pagpasok ng mga freshie sa Arch of the Centuries, isang rite of passage na nagmamarka ng simula ng buhay Tomasino. Matatandaan na sa kasagsagan ng pandemya, ginawang birtuwal ang nasabing tradisyon gamit ang platapormang Minecraft.

Sa parehong araw, inihayag din sa publiko ang bagong itsura ng tanyag na tiger statue at UST block letters sa Plaza Mayor. Marami ang namangha dahil sa mabagsik na ‘glow-up’ nito dahil sa wakas, hindi na ito mukhang galing “Jed’s Island.”

Maulan naman ang naging Homecoming Walk ng mga sophomores at juniors noong Agosto 23 dahil sa Bagyong Florita. Sa kasamaang palad, hindi natuloy ang pagpasok sa arko ng third batch ng mga mag-aaral dahil nag-anunsyo ang pamahalaan ng Maynila na suspendido ang klase.

7. Mga kaganapan sa unang linggo ng balik-eskwela

Larawan mula kay Mark Balmores/Manila Bulletin

Matapos ang dalawang taon, milyon-milyong estudyante ang muling nagsuot ng kanilang uniporme at pumasok sa loob ng mga silid-aralan. Bilang kalihim ng Department of Education, maaalalang inutos ni Bise Presidente Duterte na ibalik ang limang araw na face-to-face classes sa lahat ng paaralan sa darating na Nobyembre.

Bago pa magsimula ang klase, maraming mga magulang at mga estudyante ang nagpursiging pumila sa mga opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong bansa noong Agosto 20. Humingi naman ng paumanhin si Erwin Tulfo, kalihim ng DSWD, dahil sa magulong pamamahagi ng ayuda. Aniya, halos 400,000 ang makakakuha ng ayuda hanggang Setyembre 24.

Tulad ng dati, may mga nakaranas ng aberya sa unang araw ng klase. Sa Pampanga, may isang paaralan sa Macabebe ang binaha dahil nasaktong high tide sa lugar at sinabayan pa ito ng pag-ulan dulot ng Bagyong Florita. Isang guro naman sa Tanjay City, Negros Occidental ang naglabas ng pera mula sa sariling bulsa para ipaayos ang bodega ng paaralan at gawin itong silid-aralan.

Samantala, wala pang isang linggo ngunit nawalan agad ng dalawang araw ng klase dahil sa nasabing bagyo.

8. Paalam, Cardo; Darna, namamayagpag

Larawan mula sa Inquirer Entertainment

Tuluyan nang nagwakas ang primetime action series na FPJ’s Ang Probinsyano noong ika-12 ng Agosto, matapos ang halos pitong taong pag-ere. Nagbigay pugay rin ang serye para sa pagpanaw ng beteranong aktres na si Susan Roces noong Mayo, at pinakita ang mga alaala ng kaniyang karakter na si Lola Flora, na siyang pumanaw sa serye.

Mala-superhero kung ituring si Cardo Dalisay, na ginampanan ni Coco Martin, dahil sa kaniyang mga pinanghahawakang prinsipyo at likas na kakisignan. At sa dulo ng kasagsagan ng teleserye, pumalit naman ang seryeng Mars Ravelo’s Darna, na pinangungunahan ni Jane de Leon bilang Darna, upang gampanan ang naiwang misyon ni Cardo na sugpuin ang kasamaan. Nasaksihan na rin ang inaabangang transpormasyon ng karakter na ikinamangha ng lahat.

9. Higit 20 milyong bakuna, nasayang

Larawan mula kay Dado Ruvic/Reuters

Binalita ng Department of Health (DOH) na higit kumulang 20.66 milyon COVID-19 vaccines ang nasayang noong ika-12 ng Agosto. Saad ni Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na 8.42% ang nasayang na bakuna, doble sa nasayang noong nakaraang Hunyo na 4.7%. Dagdag ni Senator Risa Hontiveros na ang presyo ng bawat dosis ay ₱500 at ₱10.33 bilyon ang kabuuang nasayang na halaga.

Ayon naman sa data ni health undersecretary Ma. Carolina Vida-Taino, nagmula sa mga donasyon at pinamili ng mga local government units at mga pribadong sektor ang 19 milyong bakuna na nag-expire. Ang distribusyon ng mga bakuna naman ang naging rason para sa pagkasayang ng natitirang 1.6 milyong dosis. Wala sa mga pinamili ng national government ang naaksaya, saad ni Vergerie.

Dahil dito, hindi muna bibili ang gobyerno ng mga bakuna hanggang matapos ang taon, at sumang-ayon naman ang COVAX facility na palitan ang mga naaksayang bakuna kung ang mga panibagong bakuna ay hindi na masasayang muli.

10. EJ Obiena, pasok sa 2023 World Championship

Larawan mula kay Kai Pfaffenbach/Reuters

Nasungkit ng Thomasian pole vaulter na si EJ Obiena ang gintong medalya sa 26th Internationales Stabhochsprung-Meeting na ginanap sa Germany noong ika-24 ng Agosto, matapos matalunan ang 5.81m sa isang subok lamang. Ang kaniyang pagkapanalo ang nagbigay daan upang makapasok siya sa 2023 Worlds Championships na gaganapin sa Hungary.

Nakamit din ni Obiena ang tansong medalya nang matalunan ang 5.80m sa Swiss Diamond League na ginanap sa Laussane, Switzerland noong ika-26 ng Agosto.

At para sa kaniyang ikatlong podium finish sa huling linggo ng buwan, naiuwi ni Obiena ang gintong medalya sa True Athletes Classic na ginanap sa Leverkusen, Germany, nang matalunan niya ang 5.81m sa kaniyang pangalawang subok.

11. Mga inmates sa Iloilo, walang makain

Larawan mula sa Zarraga News Live Station

“Gutom kami. Layas warden!”

Ito ang protesta ng isang grupo ng inmates sa bubong ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pototan, Iloilo. Naglabas sila ng hinaing ukol sa kakapusan ng pagkain sa pasilidad. Dahil dito, tinanggal sa puwesto ng BJMP si Jail Chief Inspector Norberto Miciano, ang warden na tinutukoy ng mga bilanggo.

Ilang araw makalipas ang demonstrasyon, nag-utos ng pagsisiyasat ang Department of Interior and Local Government para imbestigahan maigi ang dahilan nito.

Nagbukas ang pangyayari ng mga usaping karapatang pantao sa loob ng piitan. Ayon sa grupong Kapatid, ang kondisyon ng inmates sa Iloilo ay halimbawa lamang ng pangit na kalagayan ng mga bilangguan sa bansa.

12. Kharam Molbog, nanguna sa medical technology board exams

Larawan ni Jester Ramos/TomasinoWeb

Nakapagtala ng 78.23% passing rate ang UST, matapos makapasok sa top 10 ang anim na Tomasino sa medical technology board exams.

Pinangunahan ni Kharam Baricaua Molbog, isang Tomasino alumnus, ang bagong pangkat ng mga medical technologists nang makamit nya ang 91.90 porsiyentong marka.

Kabilang din sa top 10 board passers ay sina Karen Dale Lao Tan para sa ikalawang puwesto (91.30%), Patrick Daniel Ocampo Luzung sa ikaapat na puwesto (90.80%), Isabella Balaadia Pabustusan sa ikalimang puwesto (90.60%), Kyle Paolo Matnog Ortañez sa ikapitong puwesto (90%), at John Edwinson Napiza Villareal para naman sa ikasiyam na puwesto (89.80%).

Naganap ang nasabing board exam noong Agosto 20–21.

Samot-saring emosyon ang naging hatid ng buwan na ito dahil sa bawat kurap, may mga nangyaring hindi inaasahan na hindi mo dapat nakaligtaan.

Ngayong mulat ka na sa mga kaganapan ngayong Agosto, sigurado ka ng totoo ang mga pangyayaring ito at hindi tsimis lamang. Kaya para sa susunod na buwan, maging alisto at mapagmatyag sa mga balita sa iyong kapaligiran.

Dahil ang kumurap, talo.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet