Tomasino, nanguna sa medical technology board exams; lima pang iba, pasok din sa top 10
Ni Xander Dave Ceballos
Pinangunahan ng isang Tomasino ang mga bagong lupon ng board passers sa licensure examinations ng medical technology ngayong Agosto, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC).
Nakamit ni Kharam Baricaua Molbog ang unang puwesto sa top 10 medical technology board exams matapos niyang makapagtala ng 91.90-porsiyentong marka sa pagsusulit.
Sinundan siya ni Karen Dale Lao Tan, isa ring Tomasino, na nasungkit ang ikalawang puwesto (91.30%).
Kabilang din sa mga bagong Tomasinong medical technologists sina Patrick Daniel Ocampo Luzung na nakamit ang ikaapat na puwesto (90.80%), Isabella Balaaldia Pabustan na nasa ikaalimang puwesto (90.60%), Kyle Paolo Matnog Ortañez sa ikapitong puwesto (90%), at John Edwinson Napiza Villareal na nasa ikasiyam na puwesto (89.80%).
Ayon sa datos ng PRC, nakapagtala ang Unibersidad ng 78.23% passing rate ngayong Agosto. Sa 248 na Tomasinong kumuha ng pagsusulit, 194 ang pumasa. Ito’y mas mataas kumpara sa naitala ng Unibersidad sa parehong board exams noong nakaraang Marso.
Tinanghal ang University of Immaculate Concepcion-Davao, na nakapagtala ng 88.57% passing rate, bilang top-performing school sa nasabing pagsusulit.
Ang nasabing pagsusulit ay ginanap mula Agosto 20 hanggang 21 sa mga testing center sa National Capital Region, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legaspi, Lucena, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, at Zamboanga.