Tumindig para sa bayan at nakaraan sa ‘Katips: The Movie’

TomasinoWeb
5 min readAug 13, 2022

--

Ni Sophia Katherine Sarmiento

Larawan mula sa ‘Katips: The Movie’

Kung hindi ngayon, kailan?”

Dalawang oras. Ito ang kinailangan ng pelikula para ipahayag ang isang parte ng kasaysayang nagdulot ng malawakang kamulatan at kamalayan; na kahit pinanood lamang sa iisang upuan ay maibabalik ka ng mga lirikopatungo sa nakaraan.

Hindi na rin kailangang ipikit ang mata pagkatapos panoorin ang pelikula. Natanggal na ang piring na bumabalot sa iyong paningin, at ika’y naging mas mulat na sa katotohanang di mo ninais ngunit kailangang alalahanin.

Ang Katips: The Movie ay isang pelikulang musikal na nagdala ng matinding romansa at makapagbagbag-damdaming takot mula sa panahong namayagpag ang dahas at inhustisya. Hinango ito mula sa orihinal na musikal ng Philippine Stagers Foundation (PSF) noong taong 2016, at dinirekta ng Palanca, FAMAS awardee, at abogado na si Vincent Tañada.

Hindi ito kuwento ng pamumulitika o may kinikilingan. Hindi rin ito salaysay ng paninira o pangungutya sa gobyerno. Lalong hindi rin naman ito tungkol sa pagpili ng anumang kulay. Sa halip, ito ay kuwento ng mga kabataang nakibaka, bagong bayani, at ng mga totoong biktima.

Katips Home at ang mga makabagong Katipunero

Larawan mula sa Scout Magazine

Sa pag-arangkada ng musikal, nagsilabasan ang mga bidang tauhan ng pelikula na sina Greg (Jerome Ponce), Ka Panyong (Atty. Vince Tañada), Alet (Adelle Ibarrientos), at iba pang mga estudyanteng aktibista na sina Estong (Joshua Bulot) at Arturo (John Rey Rivas) mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa unang yugto, mapapansing malalimang ipinahihiwatig na emosyon sa taumbayan.

Sa gitna ng gulo, umusbong ang pag-ibig.”

Sa apat na naging tambalan mula sa pelikula, mas naging makapangyarihan at hindi malilimutan ang siklab ng damdamin sa mga karakter nina Tañada at Ibarrientos sa pagpapatunay ng diwa ng pag-ibig — hindi lamang para sa isa’t-isa, kung ‘di para rin sa ating tinubuang lupa.

Nakawiwiling isipin ang ginawang pagkakahawig sa mga makabago at orihinal na mga katipunero, na patuloy nakipaglaban para alisin sa pwesto ang mga dayuhang mananakop. Ika nga ni Bonifacio, “Ipahandog-handog ang buong pag-ibig, hanggang sa mga dugo’y ubusang itangis; kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid; ito’y kapalaran at tunay na langit.”

Bilang makabagong katipunero, ang sinapit ni Alet ay iisa lamang sa samu’t saring naging pangyayari noong panahon ng Batas Militar. Hindi man siya ang pinaka-bida ng pelikula, si Alet ang nagbigay ng kabuluhan sa binansagan nilang Katips Home — isang banayad na simbolo ng pag-ibig; na kahit sa kalagitnaan ng gulo, mayroon pa ring uusbong na labis na pagmamahal para sa kapuwa at kinabukasan ng iba.

At kung hindi pa rin malinaw ang liwanag na minsa’y binalot na ng dilim, ang panahon ng Batas Militar ay maaaring naging kapanahunan ng seguridad para sa mga may kaya; ngunit kabaligtaran ito para sa mga nasa laylayan na patuloy na lumaban kontra inhustisya.

Pag-alala sa nakaraang makatotohanan

Larawan mula sa Interaksyon

Makibaka, wag matakot!”

Pinatunayan rin ng pelikulang ito ang pagiging matayog at impormatibo ukol sa mga kaganapan noong Batas Militar. Mula sa eksena ng First Quarter Storm (Battle of Mendiola) hanggang sa 1986 EDSA People Power Revolution, pinakita nito ang mga importanteng termino at makabuluhang mga pangyayari na bumitag noon sa kalayaan at dignidad ng mga Pilipino .

Lubos ding pinahalagahan ng Katips ang pagbibigay kamalayan sa umiral na media censorship, at mga mosquito press noong panahong ito. Hindi maikakaila ang malimit na pagtangka sa malawakang pamamahayag hanggang ngayon dahil patuloy pa rin ang walang katapusang banta sa ating kalayaan sa pamamahayag. Isa si Arturo sa mga naglarawan nito bilang potograpo na sumasama sa mga protesta kahit siya’y 17-taong gulang pa lamang. Hanggang sa pagpapahayag ng katotohanan, pilit pa ring isinasara ang lente ng kanyang kamera.

“Subersibo, komunista!”

Hindi rin maisasawalang-bahala ang tema ng red tagging sa mga mamamahayag at estudyanteng aktibista bilang New People’s Army (NPA) o komunista, mapa-pelikula man o mapa-totoong buhay. Naging isa itong mapagsamantalang pag-iisip laban sa mga grupong intelektuwal na tanging hangad lamang ay ang kabutihan ng mga tao. Kinakailangang malinawan nang tahasan ang madla at mapaintindi sa publikona hindi terorismo ang aktibismo; at isa ang pelikula sa nagbigay katuwiran nito.

Marahil tunay ngang umuulit ang kasaysayan. Maraming ninakawan ng hustisya. Karamihan ay hindi na bumalik sa kani-kanilang tahanan, at ang iba’y sininagan na ng araw kinaumagahan dahil sa malupit na karahasang dinanas.

Katulad ni Ka Panyong, hindi rin naman ako manhid sa sinapit ni Alet — pati nina Estong at Arturo. Sa katunayan, mas lalo pa akong napailing at naiyak nang malinaw na pinakitaang pananamantalang ginawa sa kaniya — at sa marami pang mga biktima. Sapat na rin iyon para ibalik ako sa nakaraan, lalo na sa mga mata ng mga taong may pinaglaban ngunit walang naging kalaban-laban.

At sa isang iglap, nagbago na lamang ang lahat. Naalala ko pa rin ang ilan sa mga pahayag na binanggit sa pelikula: hihintayin pa nga ba natin na may makulong o malagutan ng hininga para mamulat?

Ang matinding laban sa disinformation

Maaaring naging simbolo sa pelikula ang isang matayog na bundok para sa mga aktibistang nangailangan ng kanlungan o nais magpahayag ng kanilang ipinaglalaban. Ngunit dahil kawangis sa isang tatsulok, ipinamalas ng pelikula na mahihirapan ang nagnanais na abutin ang rurok nito mula pa sa ibaba, upang marinig lamang ang kanilang mga boses. Sa katotohanan, nakakabingi nga naman ang kapangyarihan mula sa itaas ng kabundukan.

Naging totoo ang pelikula sa hangarin nitong ipahayag kung ano ang totoo at hindi tsismis lamang. Hindi man natin — o kahit ng ibang tao — naranasan ang kalupitan ng Batas Militar, hindi ito sapat na dahilan para magbulag-bulagan at mamintas sa pinagdaanan ng mga biktimang totoong nakaranas nito.

Subalit, hindi rin maiaalis sa isang pelikula ang ilang balakid sa kabuuan, katulad ng ibang biglaang transisyon sa mga eksena. Gayunpaman, malaking karangalan pa rin na mapanood ang Katips at mabigyang hustisya ang alaala ng mga yumao dahil sa kanilang mga sinakripisyo. Hindi man lubos na perpekto ang pagganap sa karanasan ng kada biktima, isa pa rin itong obra na nakatutulong upng labanan ang paglaganap ng bastardisasyon at rebisyon ng kasaysayan.

Huwag na sana nating sayangin ang pagkakataong ito upang tumindig, mamulat, matuto, at mabuksan ang isipan sa realidad na binalutan na ng kasinungalingan.

Ika nga, “Kung hindi tayo, sino?”

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet