UST, waging makakuha ng pwesto sa playoffs ng 2022 PBA D-League kontra Letran
Ni Charles Nicholas
Waging selyuhan ng Builders Warehouse-UST ang huling pwesto sa playoffs matapos nilang pabagsakin ang NCAA Season 97 Champions WANGS@26-Letran Knights, 89–81, sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Arena, Pasig ngayong ikalawa ng Agosto.
Ito ang ikatlong sunod na pagkapanalo ng UST sa PBA D- League na naging dahilan upang makakuha ng spot sa semi-finals. Ito naman ang pang-apat na sunod-sunod na pagkatalo ng Letran, dahilan upang hindi makapasok sa semis.
Isa sa pangunahing nag-ambag ng marka sa laro ng UST ay ang beteranong manlalaro na si Sherwin Concepcion na nagtala ng 17 puntos at 14 rebounds.
Tumulong din sa pagkapanalo sina Nic Cabanero at Kean Baclaan matapos makakuha ng parehong 16 iskor habang nakakolekta ng parehong 10 puntos naman sina Paul Manalang at Bryan Santos.
Sa umpisa pa lamang ng laban ay agad na ipinakita ng Builders Warehouse ang lakas nito matapos maka abante ng limang puntos sa tulong ni Concepcion kontra Letran.
Mas lalong lumamang ng siyam na puntos ang UST matapos makapagambag ng back-to-back 3-points shot si Cabanero, 16–7.
Sinubukang makabawi ng Letran sa tulong ng back-to-back 3-points shot ni Fran Louie Yu sa natitirang minuto ng unang quarter ngunit hindi ito naging sapat upang takasan ang walong puntos na lamang ng UST, 25–17.
Hindi nag-aksaya ng pagkakataon ang Builders Warehouse sa ikalawang quarter at agad na tinambakan lalo ang Letran sa tulong nina Paul Manalang at Royce Mantua na naging dahilan upang mas lalong lumobo ang lamang ng UST kontra Letran ng 12-puntos, 33–21.
Pilit na ibinaba ng Wangs ang lamang ng UST sa huling minuto subalit bigo itong maka iskor laban sa matibay na depensa ng Warehouse dahilan upang mapunta sa kamay ng UST ang pagtatapos ng first half, 45–41.
Tuluyang naging mainit ang laban sa pangatlong quarter matapos makakuha ng pagkakataon ang Letran na ungusan ang sunod-sunod na lamang ng UST sa tulong nina Yu at Marc Javillonar, 48–47.
Agad na naitabla ni Manalang ang iskor sa 48 matapos itong makapuntos sa free throw. Ngunit hindi ito naging sapat sapagkat umarangkada ang determinasyon ng Letran na makabawi nang sila’y nagpaulan ng back-to-back 3-points at jump shot si Yu dahilan upang hindi na makabawi ang UST sa natitirang minuto, 64–68.
Agad na umaksyon ang Tigers sa tulong nina Concepcion, Baclaan, at Cabanero sa ika-apat na quarter upang matabla muli sa 73 iskor kontra Letran. Gayunpaman, hinayaan ng UST na maging bukas ang depensa nito dahilan upang maka iskor ang Letran, 75–73.
Buwis buhay na ang naging laro ng dalawang koponan matapos tumabla sa 77-puntos sa huling quarter. Muling natambakan ng UST ang Letran matapos mabitawan ni Neil Guarino ang bola na siya namang nakuha ni Cabanero upang maka iskor, 81–79.
Naisalba naman ng Builders Warehouse ang nalalabing minuto ng ika-apat na quarter matapos ang sunod-sunod na puntos na naging dahilan upang hindi na makabawi ang Letran Knights sa huling segundo, 89–81.
Kumamada si Mark Sangalang ng 18-puntos habang nakapagtala naman ng 17 na puntos si Yu. Nakapag ambag rin sila Kurt Reyson ng 14 na puntos at 11 na puntos naman kay Guarino.
Sunod na maglalaro ang Tigers sa 15th Filoil Preseason Cup kontra Lyceum Pirates bukas, 9:00 ng umaga, sa Filoil EcoOil Center bilang kanilang preparasyon sa playoff run sa PBA D-League.