UST, nangibabaw sa PT, OT boards
ni Vince Ferreras
Nanguna ang Unibersidad sa katatapos lamang na physical therapy at occupational therapy board examinations nitong nagdaang Agosto.
Nagtala ang UST ng 98. 97 porsiyentong passing rate sa physical therapy licensure exam, kung saan 96 mula sa 97 na mga Tomasinong kumuha ang pumasa.
Mas mataas ito ng 2.63 porsiyento kumpara noong nakaraang taon.
Ang national passing rate ay pumatak sa 62.80 porsiyento kung saan 802 ang pumasa mula sa 1,277 na kumuha ng pagsusulit. Bahagyang tumaas ang bahagdan kumpara sa 61. 28 porsiyento noong nakaraang taon.
Natamo naman ng UST ang 94.37 porsiyentong passing rate sa occupational therapist (OT) licensure exam, kung saan 67 ang nakapasa mula sa 71 Tomasinong kumuha ng pagsusulit.
Malaki ang itinaas nito mula sa 70 porsiyento noong nakaraang taon.
Siyam na Tomasino ang nakapasok sa listahan ng mga nakakuha ng matataas na marka sa pagsusulit.
Pinangunahan nila Julian Deabanico at Eliza Hugo ang mga bagong Tomasinong occupational therapist, pagkatapos nilang makuha ang ikalawang pwesto. Nakakuha sila ng 82 porsiyentong grado.
Nasa ika-apat na puwesto si Joy Marie Balamban, na nakakuha ng 81. 20 porsiyentong marka.
Nasa ika-anim na puwesto naman si Gianina Martin, na may markang 80.60 porsyento.
Samantala, parehong nasungkit nina Mark Andre Blanco at Glenn Labrado ang ikapitong puwesto, pagkatapos nilang makakuha ng 80.40 porsiyentong grado.
Nakuha naman ni Gabrielle Yulo ang ikawalong puwesto at nakapagtala ng markang 80.20 porsiyento.
Sina Seiji Sim at Marius Siy ay parehong nasa ikasampung puwesto at nakakuha ng 80 porsiyentong marka.
Tumaas naman ang national passing rate ng OT sa 72.88 porsiyento o 215 na pumasa mula sa 295 na kumuha ng pagsusulit, mula sa 49.79 porsiyento noong nakaraang taon.