UST, nakapagtala ng 55.90 porsyento na overall passing rate sa mechanical engineer licensure exams
Ni Xander Dave Ceballos
Nakapagtala ang Unibersidad ng 55.90 porsyento na overall passing rate sa ginanap na licensure examinations para sa mga mechanical engineers ngayong Agosto.
Ayon sa Professional Regulatory Commission, 109 mula sa 195 na mga Tomasinong kumuha ng pagsusulit ang nakapasa, 84 sa mga ito ay first time takers.
Sa kabuuan, ang mechanical engineer licensure exam ngayong taon ay may national passing rate na 54.15 porsyento o 3,184 mula sa 5,880 na kumuha ng pagsusulit.
Ginanap ang nasabing boards mula Agosto 13–14 sa mga testing centers sa NCR, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Legaspi, Lucena, Rosales, Tacloban, at Zamboanga.
Pinangunahan ni Franz Joshua Geronimo Pingol mula sa Polytechnic University of the Philippines — Main Sta. Mesa ang lupon ng mga bagong mechanical engineers matapos makapagtala ng 95.35 na iskor sa exam.