UST, laglag sa Filoil Preseason Cup matapos talunin ng Letran

TomasinoWeb
2 min readAug 17, 2022

--

Ni Francis De Ungria

Kuha ni Kenneth Cedric Landazabal/TomasinoWeb

Bigo ang UST Growling Tigers na makapasok sa playoff round ng 2022 Filoil EcoOil Preseason Cup matapos silang talunin ng Letran Knights, 81–77, Miyerkules ng umaga, sa Filoil EcoOil Center, San Juan.

Unang nakakuha ng malaking kalamangan ang Letran sa dulo ng unang kwarter nang magpasiklab sila ng 11–2 run.

Tuluyang nag-init ang Letran sa three-point line sa simula ng ikalawang kwarter at lumobo pa ang kanilang kalamangan sa 14 na puntos. Natapos ang ikalawang kwarter sa iskor na 44–30.

Nagsagutan ang dalawang koponan sa pagpapaulan ng tres sa simula ng ikatlong kwarter ngunit lalo pangnatambakan ng Knights ng 20 na puntos ang UST.

Bago matapos ang ikatlong kwarter ay ang Tigers naman angnakabawi sa pagkamit ng 10–2 run at naibaba ng 12 na puntos ang kanilang hinahabol.

Umarriba muli ang Letran upang iangat sa 15 na puntos ang kanilang kalamangan sa simula ng huling kwarter ngunit agad naman itong naibaba ng UST sa siyam na puntos.

Matapos ang limang sunod na puntos ng dating Growling Tiger na si Brent Paraiso ay umangat muli sa 14 na puntos ang paglamang ng Knights. Ngunit nangalahati rin naman agad sa tulong ni Nic Cabañero na sumagot ng apat na puntos para sa Tigers.

Ibinalik ni Paraiso ang kalamangan sa siyam na puntos pero sinagot naman ito ng pagtira ng tres nina Bryan Santos at Sherwin Concepcion at naitabla ang laban, 77–77.

Nakuha ulit ng Letran ang kalamangan matapos sumalaksak si Paraiso at tumira ng dalawang free throw ni King Caralipio. Hindi na nakabawi ang UST at nagwakasang laban sa 81–77.

Pinangunahan ni Caralipio ang Letran na may 18 na puntos at walong rebounds. Nagtala rin si Paraiso ng 12 na puntos, anim na rebounds, at apat na assists habang si Neil Guarino naman ay may 15 na puntos at limang three point shots.

Para naman sa UST, nagtala si Concepcion ng 19 na puntos at apat na steals habang si Santos naman ay may 19 na puntos din at limang rebounds. Maganda rin ang naging laro ni Cabañero na may 15 na puntos, walong assists, at anim na rebounds.

Tinapos ng UST ang 2022 Filoil EcoOil Preseason Cup na may dalawang panalo at limang talo.

Ito rin ang huling laro ng UST Growling Tigers para sa kanilang preparasyon sa paparating na UAAP Season 85 na magsisimula sa Oktubre.

The Scores:

Colegio San Juan de Letran 81 — Caralipio 18, Guarino 15, Paraiso 12, Reyson 8, Bataller 5, Olivario 5, Ariar 4, Go 4, Yu 4, Sangalang 4, Tolentino 2, Bautista 0

University of Santo Tomas 77 — Concepcion 19, Santos 19, Cabañero 15, Garing 9, Mantua 6, Manaytay 4, Lazarte 3, Pangilinan 2, Herrera 0, Escobido 0, Gesalem 0

Quarters: 19–12, 44–30, 60–48, 81–77.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet