UST angat sa 6–0 nang magwagi laban San Beda, isang panalo na lang para pasok sa semifinals

TomasinoWeb
2 min readAug 15, 2018

--

Kuha ni Bea Besario/TomasinoWeb.

Pinanatiling malinis ng UST ang kanilang rekord sa panlalaking kategorya ng Premier Volleyball League (PVL) Season 2 Collegiate Conference matapos magwagi laban sa San Beda University, 26–24, 25–20, 25–22, Miyerkules ng gabi, sa San Juan Arena.

Umangat ang UST sa 6–0 habang nagtala naman ang San Beda ng 2–4 na rekord.

Pinamunuan nina Manuel Medina at Tyrone Carodan ang UST nang magtapos sila na may pinaghalong 29 puntos.

“Lagi ko lang sila nireremind sa goal namin which is mastery. Kasi ‘yung preparation namin is mastery pa lang ng skills talaga and then ang aim ko talaga is mabigyan ko ng exposure ‘yung mga bago,” saad ni Odjie Mamon, ang pangunahing mentor ng UST.

“Kaya lang at the rate we’re going mas nagfofocus ako, nagpalit ako ng strategy na magfocus sa starter. Ang hirap kasi na kapag UAAP na doon ka pa lang maghahanap ng tamang combination so as early as now gino-groom ko na ‘yung, pito na ‘yun,” dagdag ni Mamon.

Nagtala si Jeffey Losa ng 16 puntos para sa San Beda, pagtapos limitahin ng UST ang pangunahing hitter ng Red Lions na si Jomaru Amagan sa tatlong puntos lamang.

Isang panalo na lamang laban sa Unibersidad ng Pilipinas sa Agosto 19 ang kailangang makamit ng UST upang unang makapasok sa semifinals. Larriza Joy Carmelotes

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet