Tomasinong nurse na nangasiwa sa kauna-unahang COVID-19 vax, bumisita sa UST
Ni Angela Atejera
Bumisita sa Unibersidad ang Tomasinong Nursing alumna na si May Parsons para sa isang courtesy call at press conference sa Rectors Hall ngayong Lunes, Agosto 22.
Si Parsons ang senior nurse na ginawaran ng George Cross, ang pinakamataas na parangal na maaaring igawad sa isang sibilyan, sa ngalan ng National Health Service (UK-NHS) ng United Kingdom sa pangangasiwa ng kauna-unahang bakuna laban sa COVID-19 sa labas ng clinical trials.
Iginawad sa kaniya ni Queen Elizabeth II ng UK ang nasabing parangal.
“I wouldn’t be here in front of you today standing proud as a Thomasian nurse without that constant and consistent guide UST has bestowed upon me during my tenure here to which I am endlessly indebted,” ani Parsons kasama ang mga dekano, alumni, at mga stakeholder ng Unibersidad.
Matapos magtrabaho bilang scrub nurse sa UST Charity Division, lumipat siya sa UK noong 2003. Si Parsons ngayon ay isang “modern matron” sa University Hospitals Coventry and Warwickshire (UHCW) NHS Trust.
Maaalalang siya ang nangasiwa sa pagbabakuna sa 91 taong-gulang na si Margaret Keenan dahil sa kaniyang karanasan sa flu vaccine inoculation.
“I got chosen because I did the most flu vaccination in my trust. My dedication to holistic patient care by protecting our frontline staff didn’t go unnoticed,” ipinaliwanag ni Parsons.
Kabilang din si Parsons sa mga lumaban sa maling impormasyon tungkol sa bakuna. Aniya’y naging “easy target” siya ng mga kilusang salungat o kontra sa pagbabakuna.
“I also spent hours of my free time ensuring to write messages that vaccination was out there and combating in my own little way the prolific spreading of misinformation in social platforms. This made me an easy target [of the] anti-vaccination movement,” aniya.
Alagaan ang mga healthcare workers; bayaran nang maayos
Iminungkahi ni Parsons na dapat siguraduhin ng gobyerno na ang mga nars ay may sapat na sahod upang mapanatili silang nagtatrabaho sa Pilipinas.
“Hindi naman po sa naghahanap ng kung anong klase ng sahod na mayroon pero po dapat po yung sapat. Hindi po natin sila masisisi kung aalis po sila kasi hindi po nagbabago ang buhay nila. It just gets worse,” aniya.
“They don’t have the loyalty to stay here if they [are] not being paid,” dagdag niya.
Ayon sa Royal College of Nursing, ang tinatayang taunang sweldo ng mga nars sa UK ay nasa £35,000 o 1.9 milyong piso ngayong 2022. Samantalang ang sahod ng mga nars sa Pilipinas hindi pa nangangalahati sa sahod sa UK.
Sa Pilipinas, tinatayang P8,000 hanggang P10,000 ang sweldo kada buwan sa pribadong ospital at nasa P35,000 naman sa pampublikong ospital.
“Out of 10 registered nurses, two are working either in the public or private sector so that’s equivalent to 19% of the total 915,291 registered nurses,” sabi ng Filipino Nurses United’s (FNU) national president Maristela Presto-Abenojarshe sa isang panayam.
Dagdag ni Presto-Abenojarshe, nasa 35 porsyento ng mga nars ay mas piniling magtrabaho sa ibang bansa.
Dahil sa tuloy na paglobo ng mga nangingibang bansa na nars, hinikayat ni Parsons ang pamahalaan ang Pilipinas na alagaan ang mga healthcare workers nito.
Ito ay matapos tanungin ng dating senatorial aspirant at education expert Carl Balita ang pananaw ni Parsons kung paano dapat “i-foster” ng pamahalaan ang mga nars sa kabila ng kakulangan ng mga ito sa bansa.
Kinumpara ni Parsons ang sistema ng pangkalusugan ng Pilipinas at UK kung saan nabanggit niya ang pagkakaroon ng isang governing body na sinisiguro ang pagkakaroon ng “living wage” ng bawat manggagawa sa NHS.
“There is a governing body that says […] what is the living wage,” sagot ni Parsons.
“These are being reviewed constantly and regularly […] They review the salaries and the cost of living and how much is to actually serve and do the skills that you have as a nurse,’ dagdag niya.
Ayon kay Parsons, mayroon ring independent pay review bodies na nagbibigay ng rekomendasyon sa pamahalaan ng UK patungkol sa sahod ng NHS.
Noong nakaraang Hulyo, inaprubahan ng pamahalaan ng UK ang dagdag sahod sa mga manggagawa ng NHS.
Si Parsons ay nagtapos ng BS Nursing sa Unibersidad noong taong 2000 — pag-uulat mula kay Ian Patrick Laqui