Tigers, tinaob ng FEU Tamaraws tungo sa ikaapat na sunod na talo
Ni Anton Villegas
Muling natalo ang UST Growling Tigers nang umarangkada ang FEU Tamaraws upang ipatamo sa Tigers ang kanilang ikaapat na sunod na pagkatalo sa FilOil EcoOil Preseason Cup, 90–79, Linggo ng umaga, sa Filoil Ecooil Center sa San Juan.
Pinangunahan ng Ilonggo guard John Bryan Sajonia ang Tamaraws na umiskor ng benteng puntos sa laro na mayroon ding limang rebounds.
Tila naging liwanag sa dilim ang naging laro ng rookie guard na si Kean Baclaan na umiskor ng 19 na puntos na may kasamang pitong rebounds at tatlong assists sa pagtatapos ng laro.
Pinangunahan ni Patrick Sleat ng ang scoring run ng FEU sa panimulang quarter at nakagawa ang mga Tamaraws ng malaking kalamangan hanggang umabot ito ng 12 puntos.
Tila sinubukan ni Baclaan na habulin ang lamang nang siya ay pumukol ng dalawang magkasunod na tres at tinapos ang quarter na may sampung puntos, 27–18.
Sa pangalawang talaan ng laro ay bahagyang humabol ang UST nang pumutok sa opensa si Royce Mantua na tinulungan naman nina Ian Herrera at Ivan Lazarte nang sila ay makapukol naman mula sa labas ng arko, bahagyang napaliit ang lamang ng Tamaraws, 43–37.
Tinapos ni LJ Gonzales ang unang kalahati ng laro nang nangunguna sa scoring na may walong puntos kaya’t anim pa rin ang lamang ng FEU bago magsimula ang ikatlong talaan.
Sinimulan ng mga manlalaro ng España ang ikalawang bahagi nang nagkaroon sila ng 10–2 run upang makuha ang kalamangan, pinaghugutan ng lakas ng mga Tigre ang transition offense na pinangunahan ng “layup-dunk” ni Migs Pangilinan at iskor mula sa labas ni Sherwin Concepcion.
Ngunit hindi napanatili ng mga Tigre ang kanilang enerhiya ng biglang lumamang muli ang FEU nang dahil sa magulong depensa ng UST sa pangunguna ng mga layup nina Gonzales at James Tempra, 63–60.
Sa huling eksena ng laro ay tila nanlamig ang Tigers dahil napako sila sa iskor na 60 habang ang FEU ay nag-init matapos magpakulo ng 6–0 run.
Sinubukan ni Herrera na padikitin ang kalamangan kontra FEU nang pumukol siya ng isang tres ngunit hindi na ito nasundan.
Pinangunahan ni Ximone Sandagon ang huling quarter ng laro nang maka iskor siya ng pitong puntos upang tulungan ang FEU na lamangan ang UST ng double digits at matapos ang laro sa score na 90–79.
Ang susunod na laro ng UST Growling Tigers sa nasabing liga ay magaganap bukas kontra San Beda University Red Lions, alas tres ng hapon, sa parehong lugar.