Tigers, natamo ang ikatlong sunod na pagkatalo sa kamay ng DLSU Green Archers
Ni Deinell Vincent Esplana
Tinamo ng UST Growling Tigers ang kanilang ikatlong sunod na talo matapos silang patumbahin ng wala pang talong DLSU Green Archers, 65–86, sa 15th FilOil EcoOil Cup , Huwebes ng tanghali, sa FilOil EcoOil center.
Isang 7–0 scoring run sa simula ng 3rd quarter ang ipinamalas ng DLSU upang iangat ang lamang ng kanilang koponan sa 18 at tuluyang ilayo ang laban sa UST.
Bago pa man mag halftime, lumobo na ang lamang ng Archers. Sa panimulang quarter lang halos nakasabay ang UST dahil natapos ito na apat lang ang kalamangan ng DLSU, 13–17.
Naibaba naman ng Tigers ang kalamangan sa siyam napuntos sa pangunguna nina Sherwin Concepcion at Nic Cabañero sa 4th quarter ngunit sila’y kinapos dahilan upang maiangat muli palayo ng Archers ang kanilang kalamangan sa pagtatapos ng laban sa iskor na 65–86.
Walang sagot ang depensa ng UST sa nag-init na Schonny Winston ng La Salle na umiskor ng 25 na puntos kung saan ang 11 sa mga puntos na ito ay itinala niya noong 2nd quarter.
Sinamantala rin ng DLSU ang 24 turnovers ng UST kung saan nakagawa ang Archers ng 27 points mula rito.
Naging mahirap din para sa Tigers ang depensa lalo na at maagang na foul out ang dalawa sa main interior players ng koponan na sina Bryan Santos at Royce Mantua na kapwa nakuha ang kanilang ikalimang personal foul sa ikatlong kanto ng laro.
Pinangunahan ni Cabañero ang laban para sa UST na nagtala ng 18 na puntos at apat na rebounds ngunit hindi ito sapat upang higitan ang DLSU.
Gumawa rin ng double figures para sa Tigers sina Concepcion na may 13 na puntos at Jamba Garing na may 10 na puntos.
Susubukang putulin ng Tigers ang kanilang losing streak sa kanilang paghaharap ng San Beda Red Lions sa darating na Linggo na gaganapin muli sa Filoil EcoOil Center.
Scores:
UST 65 — Cabañero 18, Concepcion 13, Garing 10, Lazarte 6, Manaytay 6, Pangilinan 6, Crisostomo 2, Mantua 2, Santos 2.
DLSU 86 — Winston 25, Quiambao 12, Nwonkwo 9, Buensalisa 8, Nonoy 8, M. Phillips 7, B. Phillips 5, Escador 4, Galman 4, Nelle 4.