Taya
ni Philip Jamilla
1 min readAug 22, 2017
Bata, bata
Anong oras na ba?
‘Di mo ba narinig
Ang mga balita?
‘Wag ka nang pasaway
Ang bilin ni nanay:
Umuwi nang maaga
At ‘wag nang maghintay
Na ika’y maabutan
Ng paglubog ng araw
Kung ayaw mong ikaw
Ang siyang matuklaw
Ng matulis na pangil
Ng gabing mapanglaw
Sapagkat sa lansangan
Ay walang taguan
At ‘di na biro ang laro
Ng habul-habulan
Kaya bata, dali,
Ang takbo’y bilisan,
‘Pag ikaw ang naabutan
At ng bala’y matamaan,
Bata, bata,
Ikaw na ang taya.