Si Winifredo Camacho at ang mga sasakyan sa kanyang tagumpay

ni Erikah Cinco

TomasinoWeb
2 min readAug 20, 2017
Inibinahagi ni Winifredo Camacho ang kanyang pakikipagsapalaran sa mundo ng pagdidisenyo sa Vision of Innovation nitong Miyerkules, ika-15 ng Agosto. Kuha ni Kennelf Monteza/TomasinoWeb.

Pangarap ang kanyang sasakyan, at determinasyon ang kanyang naging gasolina para tahakin ang liko-likong daan ng industriya ng pagdidisensyo ng mga magagarang kotse.

Sa muli niyang pagbisita sa Pamantasan para sa Vision of Innovation nitong Miyerkules, ika-15 ng Agosto, ibinida ni Winifredo Camacho ang kanyang mga obra at inilahad niya ang proseso niya sa pagdisenyo ng mga sasakyan: mula sa simpleng guhit sa papel hanggang sa naging isang magarbong sasakyan na pinahanga ang buong mundo.

Sa harap ng mga kapwa niya Tomasino, inilahad ni Camacho ang ilan sa kanyang mga nilikhang Concept Cars sa Tsina: ang BDNT Denza Concept Car (2012) at ang Mercedes-Benz G-Code Concept Car (2014), kung saan ipinakita rin niya ang mabusising proseso sa paglikha ng mga luxury cars mula sa papel hanggang sa pagbida ng mga sasakyan sa car shows.

Isang Tomasinong nangarap, nagsumikap, bumagsak, at paulit-ulit na tumayo — hindi siya tumigil sa pagkamit sa kanyang mga pangarap, at ngayon ay isa siyang Senior Exterior Designer sa isang tanyag na Alemang kumpanya na gumagawa ng mga prestihiyosong sasakyan: ang Mercedes-Benz.

Hindi aakalain na tatahakin niya ang napili niyang propesyon dahil noong siya ay isang estudyante pa lamang, ang nakahiligan niyang idesenyo ay mga kagamitan sa bahay tulad ng mga upuan na gawa sa rattan. Subalit habang siya ay gumagawa ng mga remote-controlled car para sa isang kumpanya ng laruan sa Hong Kong, doon nagsimulang mag-alab ang kanyang kagustuhan na lumikha ng mga sasakyan.

“It’s just a passing interest,” ani ni Camacho, “but I was fascinated with cars when I started working in Hong Kong.”

Kakulangan sa suporta

Batid ni Camacho na hindi nabibigyan ng oportunidad ang mga kapwa niyang mga nagdidisenyo, lalo na sa mga tulad niyang pinili ang pagdidisenyo ng mga sasakyan dito sa Pilipinas.

“We had designers here in Philippines,” sabi niya, “but in terms of budget not even much. So I encourage the government to support the artists here in the country.”

Ngunit kahit sa nakakapanlumong sitwasyon na kinakaharap ng mga manlilikha, hinimok niya ang mga ito na huwag sukuan ang mga pangarap.

“Condition your mind, convince your mind that you can do it, that you can accomplish it,” ani niya, “find your passion, find your obsession, once you’re motivated, everything will follow.”

Ibinahagi niya rin ang takot at kabang bumalot sa kanya noong sinubukan niyang pumasok sa Mercedes-Benz at sumugal siya sa pangarap niya.

“With competitors with extensive experience, I was intimidated at first,” sabi ni Camacho, “but then I just keep wanting to do more and more until I can finally catch up with them.”

Ginanap ang Vision of Innovation sa Beato Angelico AVR na pinamunuan ng UST Haus Industriel.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet