Pista ng Pelikulang Pilipino, narito na!

TomasinoWeb
5 min readAug 15, 2018

--

Ni Sheena Joy Emnace

Larawan mula sa opisyal na Facebook ng Pista ng Pelikulang Pilipino

DISCLAIMER: Ang mga poster na kalakip ng lathalain ay hindi pagmamay-ari ng TomasinoWeb.

Salubungin at tunghayan ang pagbabalik sa takilya ngayong taon ng mga pelikulang mula sa mapaglarong imahinasyon at kahusayan ng mga Pilipino sa larangan ng sinematograpiya at produksiyon.

Ang Pista ng Pelikulang Pilipino o PPP ay isang linggong selebrasyon na kaugnay sa paggunita ng Buwan ng Wika ngayong Agosto. Sa pagdiriwang na ito, bibigyan ng pagkakataon ang ating mga filmmakers upang isapubliko at maipabatid sa lahat ang kanilang mga likhang-sining na sumasaklaw sa mga kuwentong Pilipino.

Sa selebrasyon ng ikalawang anibersaryo ng PPP, inihahatid muli ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang iba’t ibang mga dyanra at bagong palabas na ibibida sa mga teatro’t sinehan sa bansa.

Narito ang mga full length na pelikulang kalahok sa kapistahan:

1. Ang Babaeng Allergic sa WiFi ni Jun Robles Lana

108 na minuto | Romantic Comedy

Dulot ng labis na pagkahumaling sa social media, si Norma (Sue Ramirez), isang tinedyer, ay nagkaroon ng Electromagnetic Hypersensitivity (EHS) syndrome — isang bihirang karamdaman na kung saan ay mahipit na ipinagbabawal sa kanya ang paggamit ng anumang gadgets at WiFi. Dahil sa kanyang kondisyon, napilitan siyang manirahan sa isang probinsya at malayo sa kanyang nobyong si Leo (Markus Paterson). Habang nasa probinsya, ginugugol niya ang kanyang oras kasama si Aries (Jameson Blake) — ang kapatid ni Leo na siyang madalas bumisita sa kanya.

2. Bakwit Boys ni Jason Paul Laxamana

110 na minuto | Drama & Musical

Gagampanan nina Ryle Santiago, Nikko Natividad, Vance Larena at Mackie Empuerto ang papel ng apat na magkakapatid na tubong Isabela. Kasabay ng paghagupit ng isang kalamidad sa kanilang lugar ay ang paggunaw ng pag-asa nilang maabot ang kanilang pangarap. Nilisan nila ang kanilang probinsya at tumungo sa Pampanga upang manirahan kasama ng kanilang lolo. Nagsimula silang muling tumugtog sa mga pistang dinaraos sa kanilang bayan at doon nadiskubre ni Rose (Devon Seron) — isang babaeng mula sa isang maykayang pamilya, ang kanilang munting talento at tinulungan sila nito sa paglikha ng sarili nilang musika.

3. Madilim ang Gabi ni Adolfo Alix Jr.

115 na minuto | Thriller

Isang dagok ang dumating sa buhay ng mag-asawang Sara at Lando (Gina Alajar & Philip Salvador) nang mapag-alamang nawawala ang kanilang anak na si Allan (Felix Roco) na isang drug addict. Mas tumitindi ang takot at pag-aalala na bumabalot sa damdamin ng dalawa dahil habang lumilipas ang panahon ay tumataas ang bilang ng mga nagiging biktima ng Oplan Tokhang — isang kampanyang inilunsad ng gobyerno laban sa paggamit ng droga, sa kanilang siyudad.

4. Pinay Beauty ni Jay Abello

104 na minuto | Comedy

Sa lipunang puno ng pamantayan sa kagandahan, isang dalagita (Chai Fonacier) ang nagnanais na sumailalim sa isang operasyon upang baguhin ang kanyang anyo at magmukhang isang Caucasian. Umutang ng malaking halaga ang kanyang nobyo (Edgar Allan Guzman) sa isang usurero upang tugunan ang kanyang kagustuhan.

5. Signal Rock ni Chito Roño

130 na minuto

Batay sa tunay na karanasan, ang istoryang ito ay iikot sa buhay ni Intoy Abakan (Christian Bable) — isang binatang nangangarap ng isang kumpletong pamilya. Sa hirap ng buhay, lumipad patungong ibang bansa at nakapag-asawa ng isang banyaga ang kanyang nakatatandang kapatid na si Vicky dahil sa pagkakaakalang iyon ang sagot upang maihaon ang kanilang pamilya sa hirap. Nakaranas si Vicky ng pang-aabuso mula sa asawa at humingi ito ng tulong mula kay Intoy upang mabawi ang anak na babae. Upang makausap ang kapatid, inaakyat ni Intoy ang rock formations– ang tanging lugar sa kanilang isla na nakapagbibigay ng senyal sa kanyang telepono.

6. The Day After Valentine’s ni Jason Paul Laxamana

114 na minuto | Romance & Drama

Sa paghahanap ni Kai (JC Santos) ng sagot sa kanyang mga katanungan ay nakilala niya si Lani (Bela Padilla) — isang babaeng matatag at wari’y maraming baon na sagot sa lahat ng problema. Sa pagkukrus ng kanilang mga landas, ang kani-kanilang mga tanong ay mabibigyan ng sagot sa hindi inaasahang paraan.

7. Unli Life ni Miko Livelo

103 na minuto | Comedy

Ang gabing inakala ni Benedict (Vhong Navarro) na magiging puno ng kasiyahan ay napalitan ng pighati’t kalungkutan nang nakipaghiwalay sa kanya ang nobyang si Victoria (Winwyn Marquez) bago pa man niya ito alukin ng pagpapakasal. Lumagi siya sa isang bar at isang inumin ang ibinigay sa kanya ng bartender na si Sir Saro (Joey Marquez) — ang inuming babago sa takbo ng kanyang kapalaran at makapagbabalik sa kanya sa nakaraan.

8. We Will Not Die Tonight ni Richard Somes

115 na minuto | Action & Thriller

Si Kray (Erich Gonzales) ay isang stunt performer. Sa kabila ng paghina ng kanyang karera ay itinuloy pa rin niya ang kanyang trabaho. At dahil sa matinding pangangailangan sa pera ay nag-atubili siyang pumayag na sumabak sa isang misyon kasama ng kanyang mga kaibigan na sa huli ay maglalagay sa kanila sa kapahamakan.

Bukod sa walong pangunahing pelikula, tampok din sa kapistahan ang Special Feature Section kung saan bibigyan ng oportunidad na mapanuod ng madla ang mga pelikulang nagkamit ng parangal sa mga lokal na independent film festivals noong nakaraang taon.

Ang mga full length na pelikulang kalahok sa kapistahan ay mapapanood mula Agosto 15 hanggang Agosto 21, 2018 sa lahat ng teatro at sinehan sa bansa. Habang ang mga pelikulang nakapaloob sa espesyal na seksyon ay mapapanuod lamang sa mga piling sinehan ng SM Manila, SM Sta. Mesa, SM North Edsa, SM Fairview, SM Mall of Asia, SM Megamall, Gateway Cineplex at Robinsons Galleria sa parehong petsa.

Para sa iba pang detalye at anunsiyo, bisitahin ang kanilang Facebook page.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet