Ordinaryong bayani
ni Anna Larraine Rienton
Ang pinakamatinding digmaan ay wala sa labas, kung hindi nasa sarili. Bawat bayani ay sumusuong sa iba’t ibang dagok, at ang pinakamalala ay ang tunggalian sa pagitan ng moralidad at pangangailangan.
Dito, nasusubukan kung sino ka ba talaga bilang bayani o kaya nama’y bilang tao.
Kamakailan lamang, si Vince Luiz Cruz ay nagpamalas ng kaniyang katatagan ng loob nang siya ay bigyan ng pagkakataong pumili: sariling pangangailangan o pinangangalagaang prinisipyo?
“There was fear on deciding what to do on that day either to show honesty or just keep the money. It was one of the “disguises of God” in my life to test my character and values in life,” ani Cruz sa isang panayam sa Tomasinoweb.
Kakapagtapos pa lamang ni Cruz ng kursong Chemical Engineering sa Fakultad ng Inhinyeriya at hapon ng ika-2 ng Agosto, nagtungo siya sa Main Building ng Unibersidad upang kunin ang kanyang transcript of records bilang paghahanda sa paparating na board exams.
Subalit, sa kasamaang palad, ang dala niyang pera para sana sa pagpoproseso ng mga kinakailangan dokumento ay hindi sapat.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakapulot siya ng perang nagkakahalagang 34,000 piso — sobra-sobra na para sa kaniyang pangangailangan, at sa kamay ng isang bagong-tapos na wala pang trabaho, malayo na ang mararating nito.
Sa halip na itago ang nadampot na pera, hindi nag-atubili si Cruz na ipagpaalam sa mga guwardya ang pangyayari.
“It [is] by nature for a man to show empathy for others,” wika niya sa TomasinoWeb.
Nanaig ang kaniyang prinsipyong Tomasino at batid niyang ang nakaiwan ng pera ay mas nangangailangan pa kaysa sa kanya.
Naramdaman niya na ang nangyari ay isang pagsubok na binigay ng Diyos, kaya minabuti niyang magpunta sa simbahan. Doon ay nagkasalubong niya si Fr. Christopher Jeffrey Aytona, O.P. at dito niya inihabilin ang perang kanyang itinuturing na isang tukso at pagsubok.
Sabi ni Cruz, “Noong mga oras na iyon, ang layunin ko lang is to assure na maibabalik yung pera sa nagmamay-ari.”
Natupad ang kanyang panalangin dahil kinagabihan ay tumawag sa kanya ang mga guwardya ng Main Building at sinabi na may isang mag-aaral na naghahanap sa nawawalang pera. Laking pasasalamat nito kay Cruz na naibalik na ang perang pambayad sa kanyang matrikula.
Sa simpleng pagbalik ng napulot na salapi, naging isang bayani si Vince sa kanyang kapwang Tomasino — bukod sa pagbalik ng pera, naging isa rin siyang daan upang magbigay ilaw sa mga taong tila nalilihis na ng daan.
Kaya naman bilang kabayaran sa ipinamalas na katapatan ni Cruz, nakuha niya ng libre ang kaniyang mga kinakailangang dokumento.
“Don’t be afraid to do the right things,” sabi ni Cruz.
Puno siya ng pagpapasalamat sa mga taong tumulong na humubog sa kanya bilang isang mabuting tao tulad nina Fr. Aytona, mga tauhan ng Unibersidad, mga magulang, mga kaibigan, at mga guro.
Kahit na naharap sa natatanging pagsubok, naisapuso na niya ang mga aral na ibinigay sa kanya ng Unibersidad, lalo na ang hindi pagkalimot na laging gawing kung ano man ang tama.
Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, hindi lang ito ang panahon upang bigyang galang ang sakripisyo ng mga tanyag na manliligtas ng bansang Pilipinas; isa rin itong daan upang bigyang pansin ang mga bayaning makikita mo sa pang araw-araw na walang humpay sa pagpapamalas ng kabutihan sa iba at nagpapatunay kung sino ba talaga tayo bilang Pilipino.
Ang bawat Pilipino ay bayani ng bansang sinisinta.