Obiena, pasok muli sa Worlds matapos iuwi ang gold mula sa Germany

TomasinoWeb
2 min readAug 24, 2022

--

Ni Joie Frances Timbas

Larawan mula sa Philippine Sports Commission (PSC)

Ang Thomasian pole vaulter na si EJ Obiena ay muling nakapaguwi ng karangalan nang matalunan niya ang 5.81m sa isang subok lamang dahilan upang siya’y tanghalin na kampeon sa Internationales Stabhochsprung-Meeting na ginanap sa Germany, Miyerkules ng madaling araw (Manila time).

Sumunod kay Obiena si Christopher Nilsen ng Estados Unidos na hindi nalampasan ang 5.81m. Noong huling Athletics World Championships, si Nilsen ang nanalo ng pilak na medalya samantalang kay Obiena napunta ang tansong medalya.

Dahil sa kaniyang gold-finish, pasok na si Obiena sa Worlds na gaganapin sa susunod na taon.

Matindi ang performance ni Obiena dahil isang attempt lang ang kinailangan niya sa paglampas ng 5.61m, 5.71m, at ang nagpanalo sa kanya na 5.81m upang mabakuran ang kaniyang kalamangan laban sa 11 pang ibang pole vaulters.

Noong sigurado na si Obiena sa pagkapanalo — matapos mamintis ni Nilsen ang kanyang tatlong subok sa 5.81m — sinubukan niya ring abutin ang 5.95m upang i-reset ang Asian record na siya ang humahawak. Ngunit bigo ito matapos niyang maubos lahat ng tatlong attempts.

Ang susunod na competition ni Obiena ay sa Athletissima na gaganapin sa Laussane, Switzerland, Huwebes, August 25.

Kamakailan lamang ay pinayagan na muli si Obiena na bumalik sa National team ng Philippine Athletics Track and Field Association at ng Philippine Sports Commission.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet