Obiena, nakamit ang tansong medalya sa Lausanne leg ng Diamond League

TomasinoWeb
2 min readAug 26, 2022

--

Ni Deinell Vincent Esplana

(Larawan mula kay Aleksandra Szmigie/Reuters)

Tagumpay ang Thomasian pole vaulter na si Ernest John Obiena na sungkitin ang tansong medalya matapos niyang matalunan ang 5.80m sa Swiss Diamond League na ginanap sa Laussane, Switzerland, Biyernes ng madaling araw(Oras sa Pilipinas).

Sinimulan ni Obiena ang kompetisyon sa pagtalon ng 5.60m. Matapos nito ay pinili niyang laktawan ang 5.70m at dumiretso agad ito sa 5.80 m na matagumpay niyang nalagpasan sa loob ng dalawang subok.

Tinangkang talunan ni Obiena ang 5.90m ngunit bigo siyang malagpasan ito matapos ang tatlong subok.

Ito ang nagbigay daan para kay Christoper Nilsen ng Estados Unidos upang kunin ang pilak na medalya matapos niya makamit ang 5.80m sa isang subok lamang kumpara sa dalawa ni Obiena.

Pinatunayan ng nangungunang pole vaulter sa mundo na si Armand Duplantis ng Sweden ang kaniyang kahusayan matapos niyang makuha ang bagong record sa nasabing torneo. Kaniyang natalunan ang 6.10m na nagbigay daan sa kaniyang pagkampeon.

Natapos ni Obiena ang linggong ito nang may dalawang podium finish. Matatandaang namayani rin ang 26-taong-gulang na atleta sa Internationales Stabhochsprung-Meeting, Germany noong Miyerkules.

Balak dalhin ni Obiena ang kaniyang momentum sa True Athletics Classics na gaganapin sa Leverkusen, Germany, sa darating na Lunes, Agosto 29 (Oras sa Pilipinas).

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet