Obiena, muling namayani sa True Athletes Classic
Ni Ernest Martin Tuazon
Nasungkit ni World №. 3 pole vaulter Ernest John Obiena ang ginto sa True Athletes Classic, Linggo ng gabi sa Leverkusen, Germany.
Ito ang ikatlong sunod na medalya ng Tomasinong atleta matapos niyang makamit ang ginto sa Jockgrim at tanso naman sa Lausanne noong nakaraang linggo.
Naselyuhan ni Obiena ang kaniyang ikalawang gintong medalya sa loob ng isang linggo nang matalunan niya ang 5.81m sa dalawang subok lamang — sa taas na ito kaniyang nakuha ang kaniyang kaisa-isang mintis na talon sa buong torneo.
Nilaktawan ng 26-taong-gulang na pole vaulter ang mga taas na 5.45 at 5.55m at kalaunan ay swabe rin niyang natalunan ang 5.65m sa loob ng isang subok lamang.
Kinumpleto nina Rutgar Koppelaar ng Netherlands at Kurtis Marschall ng Australia ang podium nang makamit nila ang pilak at tansong medalya.
Ang tatlong atleta na namayani ay pare-parehong nanalo sa taas na 5.81m, ngunit nahigitan ni Obiena ang kompetisyon dahil sa countback rule kung saan mas kauntingsubok ang kaniyang kinailangan upang kumpletuhin ang talon sa naturang na taas.
Ipagpapagtuloy ni Obiena ang kaniyang kahusayan sa St. Wendel City Jump, Germany sa darating na Huwebes, Setyembre 1.