Monkeypox: mga sintomas at dapat alamin

TomasinoWeb
3 min readAug 4, 2022

--

Ni Angela Gabrielle M. Atejera

(Kuha ng Reuters)

Nagdeklara ang World Health Organization (WHO) noong Hulyo 23 ng public health emergency sa pagkalat ng monkeypox. Ito ang pinakamataas na lebel ng alarma na maaaring ibigay ng ahensya.

Wala pang isang linggo matapos ang deklarasyon ng WHO, naitala na ng Pilipinas ang unang kaso ng monkeypox sa bansa noong nakaraang linggo, Hulyo 28.

Nag-positibo ang isang 31-taon-gulang na balikbayan na may travel history sa mga bansang apektado ng outbreak, ayon kay Department of Health (DOH) spokesperson Dr. Beverly Ho.

Ayon naman kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, na-discharge na ang pasyente at kasalukuyan ng naka-isolate at mino-monitor. Samantala, ang 10 na close contacts naman nito ay pinag-quarantine na rin.

Matatandaan na ang monkeypox ay endemic sa Africa at nitong Mayo lamang kumalat ang virus sa labas ng kontinente, partikular na sa United Kingdom, kung saan naitala ang 20 na kaso.

Ayon sa huling datos mula sa Centers for Disease Control and Prevention, lumobo na sa 26,208 ang mga kaso ng monkeypox sa 87 na bansa. Karamihan ng mga kaso ay nanggaling sa Europa at pumapangalawa ang Estados Unidos.

Ano ang mga sintomas?

Ayon sa DOH, “mild” lamang ang mga sintomas ng sakit na ito at bihirang nakamamatay.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas ang pananakit ng katawan, pamamaga ng kulani, panginginig, pagkapagod, respiratory distress, at lesions o pamamantal. Inaabot ng 14 hanggang 21 na araw bago humupa at mawala ang mga ito.

Ang pananakit ng tumbong, pamamaga ng ari, at genital lesions ay ang mga bagong klinikal na presentasyon na nakita sa outbreak.

Kumakalat ang virus sa pamamagitan ng malapitang kontak sa mga nahawaang tao, hayop, likido sa katawan, at mga kontaminadong gamit.

Ang monkeypox ay isang sakit na nagmumula sa impeksyon sa monkeypox virus. Tulad ng variola virus na sanhi ng smallpox, kabilang ang virus na ito sa pamilya ng mga orthopoxvirus. Ang sintomas ng monkeypox ay magkahawig sa smallpox ngunitmas nakamamatay ang huli.

Dahil sa pagkakaparehas ng iilang sintomas ng monkeypox sa iba pang mga poxviruses, ginagamitan ng RT-PCR testing ang mga suspektadong kaso upang tiyakin ito.

STD ba ang monkeypox?

Naipapasa ito sa pamamagitan ng skin-to-skin contact, kabilang na ang pakikipagtalik. Subalit, nilinaw ng DOH na hindi itinuturing na sexually transmitted disease (STD) ang monkeypox.

“Hindi siya classified as a sexually transmitted disease. Although ngayong nag-evolve na itong monkeypox virus, maaari na itong makuha sa sexual contact,” ani Vergeire sa isang panayam sa radyo noong Agosto 1.

Iginiit din ni WHO Technical Lead sa monkeypox Dr. Rosamund Lewis na hindi lahat ng datos na naitala sa bawat bansa ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

“Napaka importanteng alamin na ang stigma at diskriminasyon ay maaaring makasira at magkasing panganib ng kahit anumang uri ng virus,” saad ni Lewis.

Paano makakaiwas dito?

Kahit sino ay maaaring mahawaan ng monkeypox kaya pinayuhan ng DOH ang publiko na sundin ang mga sumusunod:

  • Bawasan ang sekswal kontak sa mga suspected cases lalo na sa may mga rashes at sugat.
  • Panatilihing malinis ang mga kamay.
  • Mag-suot ng face mask; takpan ang bibig gamit ng siko kapag inuubo; at pumunta lamang sa mga lugar na may maayos na daloy ng hangin.
  • Sa mga taong galing sa mga bansang may monkeypox, kumonsulta agad sa doktor kung nakakaranas ng lagnat, kulani, at rashes.

Nakikipag-ugnayan na ang bansa sa Estados Unidos sa pagkuha ng mga bakuna kontra monkeypox. Ayon kay Ho, hindi ito kakailanganin ng lahat ng Pilipino.

“Our discussions are ongoing… We [are] working with the US government to secure the vaccines. There’s not a lot that’s available in the market. Also, it’s only a select population group that will have to be vaccinated. Again, it’s not like COVID-19 that all of us need to be vaccinated,” sabi ni Ho sa isang press briefing.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet