Mga Tomasinong manunulat, pinakilala ang mga bagong kalakaran sa panitikan
Dalawang Tomasinong manunulat ang nagpakilala ng mga bagong istilo ng pagsusulat kasabay ng paglunsad ng kanilang mga aklat sa Philippine Readers and Writers Festival sa Raffles Makati noong ika-26 ng Agosto.
Para sa manunulat ng dula at maikling kwento na si Chuckberry Pascual, napili niyang paglaruan ang iba’t-ibang kategorya ng genre fiction literature, partikular na ang “cozy mystery” sa kanyang ikalawang koleksyon ng mga maikling kwento na Ang Nawawala.
“Ang genre fiction ay mayroong pa ring rules — part nito na mareresolve siya sa dulo upang maipakita na buo ang mundo. Pero, hindi ko pa rin siya lahat sinusunod. Hindi lahat ng nawawala ay nawawala talaga at hindi lahat ng nawawala ay natatagpuan, [so may mga ganun akong ] pagsubvert ko sa genre” wika nya.
Dagdag ni Pascual, madalas itinatampok sa “cozy mystery” ang mga kwentong magkaka-ugnay sa isang maliit na pamayanan, at dahil sa mga nasabing elemento nito, madali niyang maibabahagi ang kaniyang sarili sa akda tulad ng lugar na kaniyang kinalakhan.
“Attempt ito na mas makipag-usap kaysa ako lang yung kinakausap ko”, aniya.
Batid ni Pascual na hindi biro ang kanyang napiling genre sapagkat ang mga kategoryang nakapailalim dito ay may iba-ibang patakaran at paraan ng pagsulat, kung kaya pinapahalagan niya ang opinyon ng kanyang mambabasa upang mas mapaganda ang mga isinusulat na akda.
Pagsulat ng pagpapatawa
Samantala, pinakilala naman ni John Jack Wigley ang paggamit ng pagpapatawa sa Pilipinong panitikan sa paglunsad ng kaniyang librong Lait (Pa More) Chronicles.
Idiniin niya na may kaakibat na hamon ang pagsusulat ng mga kwentong nakakatawa.
“Mahirap magsulat, period. Ang mag-isip pa na magsulat ng nakakatawa ay isa nang death-defying act.”
Ani nya, hindi kailangang palaging “tulo-laway” ang akda, sapat nang mayroong halong ibang emosyon ang nakalakip dito.
Dagdag pa niya, dapat gawing katawa-tawa ng isang manunulat ang kaniyang sarili at isipin na hindi ito nakakababa ng pagkatao dahil mas paniniwalaan ng mga mambabasa na nagsasabi ang manunulat ng katotohanan.
“[…]madaming posibilidad sa humour writing. Pwede mong isulat ang truth sa bersyong nais mong isulat. Tandaan: Ang humor ay culture dependent, so dapat maging sensitibo sa mambabasa ang manunulat sa ganitong klaseng sulatin.” paalala ni Wigley
Hindi lamang ginagawa ang pagpapatawa upang magbigay saya ngunit, isa rin itong paraan ng paghahatid ng mensahe tulad ng ibang uri ng panitikan.
“Bago maging magaling na manunulat ng humour, maging isang magaling na manunulat muna. At bago isang magaling na manunulat, maging magaling na mambabasa muna,” ani Wigley. — D. Arcegono