Mga mag-aaral, nagprotesta laban sa batas militar sa Mindanao

TomasinoWeb
2 min readAug 18, 2017

--

Nagsunog ang mga demonstrador ng isang effigy sa Mendiola kahapon, ika-17 ng Agosto, bilang protesta sa madugong track record ng rehimeng Duterte sa paglabag ng karapatang pantao. Kuha ni Philip Jamilla/TomasinoWeb.

Muling nagtungo sa Mendiola ang mga mag-aaral mula sa mga progresibong grupo kahapon, ika-17 ng Agosto, sa harap umano ng pagbabanta ng militar na palalayasin ang mga nagbabakwit na Lumad sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

“Malinaw na [ngayon] sa mga mamamayan na wala sa mga pangako [ng dati nating sinusuportahang rehimen] ang natupad at walang progresibong pagbabago. Sa katunayan, pinagpatuloy at pinalala niya lamang,” ani John Paul Rosos, pambansang tagapagsalita ng League of Filipino Students (LFS), sa isang panayam sa TomasinoWeb.

Ayon rin kay Rosos, marami sa mga mamamayan ng Marawi ang patuloy na nililisan ang kanilang mga lugar at libu-libo na rin ang namamatay sa pambobomba ng militar.

Base sa datos ng pamahalaan noong ika-20 ng Hulyo, mahigit 350,000 na tao na mula sa lungsod ng Marawi at mga kalapit na lugar ang lumikas.

Dagdag pa ni Rosos, ilan na rin sa mga Lumad ang nagbakwit dahil sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na bobombahin ang kanilang mga pamayanan at paaralan.

“Stop Lumad killings, save our schools!” sigaw ng mga nagprotesta.

Mariin ring kinondena ni Bluei Fausto, tagapangulo ng UST chapter ng LFS, ang pagdedeklara ni Duterte ng batas militar sa buong Mindanao.

“Kinokondena namin ang pagdeklara ng martial law sa Mindanao [at ang] threat pa na gagawin nilang pang-buong-bansa ang pagdeklara [nito],” ani Fausto.

Dagdag pa ni Fausto, “Naghihirap ang masang Pilipino, maraming namamatay, maraming nagugutom kasi ang estado mismo, ang gobyerno, ang military, ang tumatanggal ng karapatan [at] boses [ng mga tao].”

Idineklara ng pangulo ang Proklamasyon Bilang 216 noong ika-23 ng Mayo, matapos ang magkakasunod na pag-atake ng grupong Maute sa Marawi.

Pinaboran ng Korte Suprema ang deklarasyon noong ika-4 ng Hulyo, samantalang ang kamara naman ay bumoto noong ika-22 ng Hulyo pabor sa pagpapalawig ng batas militar hanggang sa dulo ng taon.

Maliban sa panawagan na ibasura ang batas militar, nagsunog rin sila ng effigy ng isang madugong kamao bilang protesta sa madugong track record ng administrasyon sa paglabag ng karapatang pantao.

Nagsagawa rin ng pagkilos ang mga mag-aaral ng UP sa International Center, kung saan kasalukuyang nagbabakwit ang mga Lumad para sa paparating na Lakbayan ng Pambansang Minorya, na gagaganapin sa susunod na buwan.

Nakilahok sa protesta ang mga kasapi ng Anakbayan, College Editors Guild of the Philippines, Kabataan Partylist, at National Union of the Students of the Philippines. -A.O.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet