Mga kabataan, human rights groups nanawagan ng hustisya para kay Kian
“Justice for Kian, justice for all!”
Ito ang sigaw ng libo-libong mga kabataan na nagprotesta kasabay ng libing ng 17 anyos na si Kian Loyd Delos Santos kahapon, ika-26 ng Agosto.
Iba’t-ibang mga grupo ng mga taguyod ng karapatang pantao ang nagmartsa kasama ng pamilya at mga kaibigan ng namayapang binata mula sa Sta. Quiteria Parish sa Caloocan hanggang sa La Loma Cemetery.
Sa isang misa para sa libing ng binata, nanawagan ang Obispo ng Caloocan na si Virgilio David na itigil na ng pamahalaan ang mga patayan sa ngalan ng kampanya nito laban sa ilegal na droga.
“Stop the killings, start the healing,” ani ng obispo sa kanyang homiliya, kung saan kinumpara niya ang pagkamatay ng binata sa pagkamatay ni Hesus.
Dinaluhan rin ang misa ng iba pang mga pamilya ng mga napaslang kaugnay umano ng nasabing kampanya.
Mariing kinondena ni David ang mga Katolikong ‘di umano’y sinusuportahan pa ang mga patayan at giniit rin niya na biktima lamang mga adik at tulak.
“[Sila] ay hindi kalaban. Sila ay mga biktima lamang. Ang totoong kalaban ay ang mga [nagpapasok] ng droga sa ating bansa,” aniya.
Habang dinadala ang kabaong ng binata sa kanyang huling hantungan, nag-abang naman ang iba pang mga rallyista malapit sa Monumento upang magsagawa ng maikling kilos-protesta.
Nanawagan sila na bigyang hustisya ang mga napatay sa “extrajudicial killings” buhat ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga na isa umanong porma ng pasismo ng estado.
“Kami [ay] lubos na nagagalit dahil ang batang nag-aasam na matapos ang kaniyang pag-aaral, maabot ang kaniyang mga pangarap ay maagang binawi ang buhay dahil sa giyera kontra droga ng administrasyon,” ani Eule Rico Bonganay, ang pangkalahatang-kalihim ng Salinlahi, sa isang panayam sa TomasinoWeb.
Mariin ring kunokondena ng grupo ang kampanya laban sa droga ng administrasyong Duterte.
“Wala kaming pagtutol kung ang layunin ng pamahalaan ay sugpuin yung mga droga, pero kung [ang kampanya] ay nangangahulugang pagkitil ng buhay ng mga bata, ng mga inosente, ng mga pinagsususpetyahan na gumagamit at nagbebenta ng droga, mariin naming kinokondena at tinututulan [ito],” aniya.
Para kay Danmer de Guzman, pangkalahatang kalihim ng grupong Kadamay, hindi tinupad ni Duterte ang kanyang pangako na pangalagaan ang mga kabataan.
“Kung matatandaan natin noong nakaraang taon, binanggit niya: ‘If you destroy the youth of this country, I will kill you.’ Parang gusto naming ibalik: ‘Pinatay mo ang isang Kian Delos Santos. Pinatay ng PNP ang isang Kian delos Santos.’” aniya sa isang panayam sa TomasinoWeb.
Dagdag ni De Guzman, hindi pagpatay sa mga mamamayan ang solusyon para sa problema ng bansa sa droga.
“Kung gusto nating sugpuin ang droga, droga ang sinusugpo, hindi ang taong bayan.”
Pinagpatuloy ng mga progresibong grupo ang kanilang kilos-protesta sa Mendiola, kasama ang mga grupo ng mga nagkakampuhang magsasaka at mangingisda mula sa Caraga.
Dito, nagsagawa sila ng maikling programa na sinundan ng isang candle lighting ceremony para sa lahat ng mga napaslang ng giyera kontra droga.
Si Delos Santos ay isang Grade 11 na mag-aaral mula sa Our Lady of Lourdes College, Valenzuela noong siya ay mapaslang noong ika-16 ng Agosto sa isang operasyon sa Caloocan matapos umano itong manlaban sa mga pulis.
Isa lamang siya sa mga 54 na menor de edad na napatay sa kampanya ng pamahalaan kontra droga, ayon sa pinakahuling datos ng Children’s Legal Rights and Development Center ngayong buwan.
Ayon sa mga naunang ulat, inosente at hindi nanlaban si Delos Santos, base sa testigo ng mga saksi at kuha mula sa CCTV. Taliwas ito sa mga paratang ng pulisya na gumamit ‘di umano ng baril ang binata.
Kasalukuyang silang nasa restrictive custody habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police — Internal Affair Service.
Sa resultang inilabas kamakailan lamang ng Northern Police District Crime Laboratory Office, nag-negatibo si Delos Santos sa pagsusuri para sa gunpowder nitrates.
Sa kabila ng mga batikos mula sa taong-bayan, ibinalita naman ng tagapagsalita ng pangulo na si Ernesto Abella na nagpatawag na ito ng imbestigasyon ukol sa kamatayan ng binata.
Samantala, ang pamilya ni Delos Santos ay nagpaplanong maghain ng salang pagpatay sa tatlong pulis na sangkot sa kaso.— A. Ortega at P. Jamilla