Mga arsobispo, kinondena ang pagkamatay ng 17-anyos na binata sa EJK
Kinondena ng mga arsobispo sa bansa ang lumalalang kaso ng mga extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, pagkatapos napatay ng mga pulis ang isang menor de edad sa kanilang isinagawang operasyon.
Sa pastoral na liham na inilabas ng Arsobispo ng Pangasinan na si Socrates Villegas kahapon, ika-20 ng Agosto, idiniin niya ang nangyayaring normalisasyon sa pagpatay sa mga taong nalulong sa droga.
“Pagpatay daw ang lunas sa lahat ng kasamaan. Pagpatay daw ang dapat para sa taong sinira ng droga. Ang bayang ayaw daw sa droga ay dapat na pumayag na patayin ang pusher. Kapag nanindigan para sa dukhang na-tokhang, tiyak na maliligo ka sa mura at banta. Marami naman ang nagpapatakot!” ani Villegas. “Ito na ba ang bagong tama?”
Base sa huling datos ng pulisya nitong ika-26 ng Hulyo, 3,500 na ang napapatay sa mga lehitimong operasyon. Ang mga operasyong ito ay kabilang sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga.
Ayon kay Villegas, ang ginagawang pagpatay sa mga biktima ay nag-aalis sa kanila ng pagkakataon na makapagpaliwanag laban sa mga paratang sa kanila.
“Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila ‘Nanlaban kasi’. Hindi na nila masabi ‘Nagmakaawa po ako hindi ako lumaban!’ Sino ang magtatanggol sa kanila?”
Dagdag pa ni Villegas, “Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa?”
Inanyayahan rin ng arsobispo ang mga simbahan sa Lingayen at Dagupan sa Pangasinan na patugtugin ang kanilang mga kampana mula ika-22 ng Agosto hanggang ika-27 Nobyembre, upang mag-alay ng panalangin sa mga biktima ng EJKs.
“Matanggap nawa [ng mga napatay] ang kapayapaang hindi nila naranasan noong sila ay nabubuhay pa. Ang tunog ng kampana ay tinig ng Diyos na sana ay gumising sa konsensiyang manhid at bulag,” ani Villegas.
Noong ika-18 ng Agosto, napatay sa isang operasyon sa Caloocan ang binatilyong si Kian de los Santos, 17 anyos, matapos umano itong manlaban sa mga pulis. Ang nasabing insidente ay nagdulot ng negatibong reaksyon mula sa mga netizen.
Gaya ni Villegas, naniniwala rin ang Arsobispo ng Maynila na si Luis Antonio Cardinal Tagle na dapat nang itigil ang pagpatay sa mga mamamayan.
“Para maunawaan pang higit ang sitwasyon, hindi sasapat ang mga estadistika o numero lamang. Kailangan natin ng mga kuwento ng tao,” ani Tagle.
Dagdag niya, “Hayaan nating magkuwento ang mga pamilyang may miembro na sinira ng droga. Hayaan nating magkuwento ang mga pamilyang may miembro na pinatay sa kampanya laban sa droga, lalo na yaong mga inosente.”
Sumasang ayon naman si Tagle na nakakapinsala ang epekto ng paggamit ng droga, ngunit nanawagan siya sa mga pumapatay na itigil na nila ang pagkitil sa buhay ng mga inosenteng mamamayan.
“Kumakatok tayo sa konsiyensa ng mga gumagawa at nagtitinda ng ilegal na droga: itigil na ninyo ang gawaing ito. Kumakatok tayo sa konsiyensiya ng mga pumapatay kahit ng walang kalaban-laban, lalo na ang mga nagtataklob ng mga mukha: huwag ninyong sayangin ang buhay ng tao.”
Inimbitahan niya ang mga simabahan na makiisa sa “Sanlakbay”, ang programang pangrehabilitasyon ng Arkidiyosesis ng Maynila para sa mga nagdodroga.
Si Delos Santos ay isa lamang sa mga 31 na menor de edad na napatay sa kampanya ng pamahalaan kontra droga, ayon sa datos ng Children’s Legal Rights and Development Center noong Enero. — A. Ortega