Magnitude 6.3 na lindol, naitala sa Luzon

ni Philip Jamilla

TomasinoWeb
2 min readAug 11, 2017
Pinalikas ang mga mag-aaral ng UST sa field matapos ang magnitude 6.3 na lindol. Kuha ni Mark Darius Sulit/TomasinoWeb.

Isang malakas na lindol ang yumanig sa Luzon kaninang 1:30 ng hapon, Biyernes, ika-11 ng Agosto.

Unang naitala ng United States Geological Survey ang lakas na magnitude 6.6 samantalang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) naman ay nagtala ng lakas na magnitude 6.1.

Kinalaunan ay itinaas din ito ng PHILVOCS sa magnitude 6.3.

Natukoy ang epicenter ng lindol sa Lian, Batangas at may lalim ito na 160 kilometro.

Naramdaman ang lindol sa Intensity IV sa Maynila na nagresulta sa pagyanig ng mga gusali at pagpapalikas ng mga tao mula sa mga paaralan at opisina.

Pinalikas ang mga mag-aaral at mga tauhan ng Unibersidad ng Santo Tomas sa football field gaya ng nakagawian.

Ilang paaralan at pamantasan na ang nagsuspinde ng klase matapos ang lindol subalit tuloy pa rin ang mga klase at opisina sa Pamantasan matapos silang pabalikin sa kani-kanilang mga gusali.

Ayon kay PHIVOLCS Chief Renato Solidum, ang lindol ay sanhi ng paggalaw ng Manila Trench. Inaasahan din ang mga aftershock ngunit hindi naman daw ito magdudulot ng tsunami.

Madaling araw ng Martes, ika-8 ng Agosto, nagtala rin ang PHILVOCS ng magnitude 3.9 na lindol sa Pililia, Rizal, na naramdaman sa kalakhang Maynila. — ulat mula kina W.N. Orlina, A. Ortega at M.W. Dela Paz

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet