Kongresista, hinikayat ang partisipasyon ng masa sa mabuting pamamahala
Binigyan diin ng isang kongresista ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng taong bayan sa gobyerno, na pangunahing aspeto ng pamamahala ni Jesse Robredo bilang dating alkalde ng Naga City at kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG).
“People’s participation is critical in good governance,” ani Gabriel Bordado Jr. ng ika-tatlong distrito ng Camarines Sur.
Dagdag niya, binuo ni Robredo ang Naga City People’s Council (NCPC), kung saan binibigyang karapatan ang mga non-government organization at ang taong bayan na makilahok sa pagproseso ng mga ordinansa sa lokal na pamahalaan.
Dahil dito, naghain si Bordado ng panukalang batas na naghihikayat sa mga lokal na pamahalaan na gumawa ng kanilang sariling bersyon ng NCPC upang bigyan ng boses ang masa.
Ikinuwento rin ng kongresista ang pagpapatuloy ni Robredo ng kanyang adbokasiya nang siya ay naitalagang kalihim ng DILG.
“In the case of Jesse when he became the secretary of the DILG, he attempted also to institutionalize participation. He came up with a memorandum circular na sinasabi doon ang transparency, accountability and participation should be given top priority,” sabi ni Bordado.
Bukod sa partisipasyon ng masa, ipinaliwanag niya na pinapahalagahan rin ni Robredo sa kanyang pamahahala ang maunlad na perspektibo ng isang pinuno at ang pakikipag-ugnayan sa lahat iba’t-ibang sektor ng lipunan.
Si Robredo ay nagsilbing alkalde ng Naga City mula 1988 hanggang 1998 at noong 2001 hanggang 2010.
Noong 2010, siya ay itinalaga ni dating pangulo Benigno Aquino III bilang isa sa mga miyembro ng gabinete nito. Ngunit hindi niya natapos ang kanyang termino pagkatapos siyang masawi sa isang plane crash noong 2012.
Ang forum ay pinamagatang, “Remembering Jesse: Stories about the Life and Leadership of Jesse Robredo.” Ito ay pinangunahan ng Jesse Robredo Foundation at UST-SIMBAHAYAN Community Development Office. — M.W. Dela Paz at A. Ortega