Kasaysayang buhay
ni Danielle Baranda
Napatunayan ng blogging ang pagiging komprehensibo at epektibong nitong pamamaraan upang maglahad at magbigay ng impormasyon ukol sa iba’t ibang mga pangyayari.
Sa pag-usbong ng social media kung saan karamihan ay namumuhay na sa mundo ng Internet, tinaguriang isa sa pinaka magagandang plataporma ang mga blogging sites tulad ng Wordpress, Tumblr, at Blogspot para makapagpahayag ang mga tao ng kanilang mga saloobin mula sa mga isyung panlipunan hanggang sa mga personal na dagok.
Nakatutulong ang pagboblog para sa pagpapalawak ng diskurso hindi lang ng mga napapanahong isyu, pati na rin ng mga pangyayaring matagal nang nakalipas katulad ng ating kasaysayan.
History blogging ang tawag sa nabanggit na istilo ng pag-blog ukol sa kasaysayan. Kaya naman sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasysayan, inihandog ng Museo ng Katipunan Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan ang talakayang “History Blogging: Promoting History Through Social Media” na pinamunuan ni Francis Kristoffer Pasion, isang mananaliksik galing sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
Inilahad ni Pasion ang kanyang mga karanasan bilang history blogger at nagbagahi ng ilang tips na pwedeng sundan ng mga gustong gumaya sa kanya.
Katulad ng karamihan, nagsimula siya sa mundo ng blogging sa pamamagitan ng personal o “rant” blog kung saan madalas niyang kinukwento ang kanyang mga karanasan sa kanyang pang-araw-araw na buhay.
“It is just natural that who you are and what you do in a specific fold in time, you tend to write about,” kwento niya.
Halos pitong taon nang nagboblog si Pasion at nagsimula itong lahat noong nasa kolehiyo pa siya.
Nang makatapos siya ng pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas — Manila ng kursong BA Behavioral Sciences, hinarap niya ang kadalasang tanong ng mga batang kasing edad niya: Sino nga ba ako?
Hindi nagtagal, nahanap niya ang sarili niya na nagtuturo sa isang international elementary school kung saan nagbalik loob siya sa kasaysayan at nakita muli ang hilig niya para dito.
Nagbigay si Pasion ng apat na tanong na kailangan ibigay ng mga naghahangad maging history blogger sa kanilang mga sarili.
“Ano ba ang expertise ko? Ano ba ang gusto ko ipahayag sa mundo? Paano ba natin ito gusto ibahagi? May naidagdag ba ito sa kaalaman ko?”
Tinatalakay niya ang iba’t-ibang uri ng media kung saan pwede magbigay ang tao ng kanilang kaalaman.
Hindi lang limitado ang lahat sa pagsusulat, mayroong visual arts katulad ng video at graphic arts, maaari ding magpahayag gamit ang musika.
Pinaalalahanan niya ang mga nakikinig na huwag matakot maging history blogger dahil lang sa madami na ang gumagawa nito sapagkat lahat tayo ay may kani-kaniyang boses at lahat tayo ay kayang palawakin ang usapan.
“Mayroon kang boses, mayroon ka ring maibabahagi,” paghikayat ni Pasion.
Pinaalala din niya na maging kakaiba at huwag matakot magbahagi ng sariling pamamaraan ng pagkwento, “Pagkaalis nila sa blog mo, sana nabago mo perspective nila.”
Binibigyan niya rinng diin ang balik ng lahat ng sining na ito sa mismong gumagawa sa katauhan ng pagiging mas mahusay pa sa kanyang ginagawa.
“[Blogging] helps you express your love towards something more,” sabi ni Pasion.
Binanggit din niya ang hindi maiiwasang sulirinan na hinaharap ng bawat manunulat.
“Minsan sa isang sulat mo hindi mo agad nakuha yung mukha nung gusto mong ipakita na damdamin. Dahil dito, nahahasa pagsusulat mo.”
Kinilala ni Pasion ang dating sa ibang tao ng pagiging “mala-textbook” umano ng history blogging. Ngunit, sinisiguradong niyang naiiba ito sa mga sinasabing nakasanayan na libro.
“Ang history ay buhay dahil sa kwento ito ng nga taong nabubuhay noon. Katulad nating mga tao na may kanya-kanyang dilim at liwanag at may kanya-kanyang complexity, ganun din ang kasaysayan,” ani niya.
Binigyan din niyang pansin ang lalim ng kasaysayan at pinaalala na ang mga tauhan sa kwentong ito ay totoong mga tao at hindi mga karakter sa isang telenovela dahil ang kasaysayan ay puno ng mga mabusising buhol na sumusubok sa bawat tauhan ng kwento.
“Hindi mo siya mapipinta ng black and white, hindi mo siya mapipinta na may masama, na may kontrabida. Hindi siya ganun dahil tulad ng tao na may kwento, ganoon din ang kasaysayan,” dagdag ni Pasion.
Sa kahuli-hulihan, pinaalalahanan din ni Pasion na walang kinikilingan ang kasaysayan kundi ang katotohanan at kung hindi titignan ang bawat eksena sa kabuuan nito, hindi natin ipinapakita ang buong kwento.
“Kailangan tignan ang kasaysayan sa kabuuan,” wika ni Pasion.
Dagdag niya, “Ang kasaysayan ay nakabase sa facts, at itong mga ito naman nakabase sa mga ebidensiya na lagi namang pinalolooban ng katotohanan.”