Isa sa mga unang babaeng arkitekto mula UST, kinilala sa kaniyang ika-100 na kaarawan

TomasinoWeb
2 min readAug 19, 2022

--

Ni Wendell Adrian Quijado

Tinanggap ni Aida del Rosario ang gantimpalang salapi sa kanya na iginawad ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa upang kilalanin ang kanyang pagiging centenarian. (Litrato ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon)

Kinilala bilang isang ganap na centenarian noong Agosto 11 ang isa sa mga unang babaeng nakapagtapos ng kursong arkitektura sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Noong ika-12 ng Agosto, ibinahagi ng alkalde ngMuntinlupa na si Ruffy Biazon sa kaniyang Facebook page ang pag gantimpala ng P100,000 kay Aida del Rosario bilang parangal sa kanyang mga kontribusyon sa bansa.

“Personal ko pong binisita si Gng. Aida Cruz — del Rosario para ibigay ang kanyang P100,000 Centenarian cash gift mula sa Pamahalaang Lungsod,” saad ni Biazon.

Kahit na pinangungunahan ng mga lalaki ang larang, nagawang magtapos niAida sa UST College of Architecture noong 1947.

Ayon sa isang mananalaysay na si Gerard Lico , si Aida ang ika-siyam na babaeng lisensyadong arkitekto sa bansa.

Nakamit din ng Tomasinong arkitekto ang ikapitong pwesto noong kumuha siya ng board exam.

Kasama ang kaniyang inhinyerong kabiyak na si Jose del Rosario, bumuo si Aida ng maraming proyekto sa Pilipinas, kabilang na ang unang disenyo ng University of Baguio.

Ayon kay Biazon, ang perang natanggap ni Aida ay mula sa Office for Senior Citizens Affairs ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa.

Ito ay alinsunod sa Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016 na naglalayong kilalanin ang kontribusyon ng mga Pilipinong umabot sa edad 100.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet