Ilang trivia’t facts tungkol sa UST na magpapataas sa iyong kilay
Ni Paolo Alejandrino
Higit apat na siglo na matapos itatag ang UST bilang unibersidad sa Maynila. Sa loob ng ilang daang taon na iyon, paniguradong napakaraming mga pangyayari na ang nasaksihan ng mga gusali sa loob at labas ng kampus.
Napakakulay ng kasaysayan ngUunibersidad. Simula pa lamang noong pagkakatatag nito noong 1611, pagdaanng rebolusyon laban sa mga Espanyol, hanggang sa mga digmaang pandaigdig, ‘di mabilang na krisis, at ngayong pandemya, halos nakita na ata ng Unibersidad ang lahat. Ilang mga pangulo ng bansa, mga tanyag na politiko at siyentista, at iba pang mga prominenteng tao ang galing sa UST; alam na nating lahat ‘yan.
Mula sa pinagmulan ng “Golden Piolo” hanggang sa Arch of the Centuries at mga bagay na mas bata pa kaysa sa Unibersidad, anu-ano nga ba ang ilang mga trivia’t kaalaman ang madalas ay mapapataas ang inyong mga kilay? Narito ang ilan sa mga ito:
1. Ang ‘Golden Piolo’ aka Quattromondial
Kung lilibutin ang buong kampus ng UST, isa sa mga prominenteng landmark na matatagpuan dito ay ang Quattromondial, isang monumentong may taas na 10 metro, at gawa sa pilak at kristal.
Ginawa ito ni Ramon Orlina, isang Tomasinong iskultor, para sa ika-400 taong anibersaryo ng Unibersidad. Sumisimbolo ang Quattromondial sa tradisyon, kagalingan, at katatagan ng UST bilang akademikong institusyon.
Malimit ginagawang tagpuan ang Quadricentennial Park kung saan makikita ang dambuhalang iskulturang ito. Ngunit, imbes na sabihing sa Quattromondial o Q-Park magkikita, ang parating maririnig ay “sa Golden Piolo.”
Isa kasi sa mga modelo ng monumento ay ang batikang aktor na si Piolo Pascual, isang Tomasinong unang nakilala sa larangan ng pag-arte sa kaniyang organisasyong Teatro Tomasino.
Maliban kay Piolo, isa ring naging modelo ng Quattromondial ay si Charlene Gonzales, isa namang alumna ng UST — College of Science bilang nagtapos ng BS Psychology sa Unibersidad.
2. Ilang mga bagay at tao na mas bata sa USTe
Kung pag-iisipan, oo nga naman, napakaraming bagay ang mas bata pa kaysa sa Unibersidad na ito.
Pero upang bigyang diin kung gaano na nga ba katanda ang higit apat na raang taon na institusyon, ilan sa mga mas bata pa rito ay: si Juan Ponce Enrile, ang chocolate chip cookies, pati na ang pagka diskubre ni Isaac Newton ng Law of Motion.
Ang Law of Motion ng siyentistang si Newton ay isinulat at pormal na inihayag noong 1687 sa kaniyang aklat na Mathematical Principles of Natural Philosophy. Itong libro rin ang nagpalaganap sa iba pang mga konsepto sa pisika. Oh, ang sarap sigurong mag-aral sa USTe noong wala pang mga ganito.
Isa pang mas bata sa UST ay ang chocolate chip cookies. Paano ba naman ay naimbento ito noong 1936 ni Ruth Graves sa Estados Unidos. Mapapaisip ka kung paano kaya nakaka quota ang mga estudyanteng kumukuha ng entrepreneurship subject noon kung ‘di pa naimbento ang cookies na pwedeng ilako sa may QPark at mga gazebos.
Papahuli ba ang dating Senador na si Enrile? Kung aakalain mong walang bagay na mas matanda pa sa kaniya, p’wes, diyan ka nagkakamali. Mas matanda ang unibersidad kaysa sa kaniya. ‘Di lang natin alam kung sino ang mas tatagal pa.
3. Guinness World Records
Hindi lang ang pinakamalaking pagnanakaw sa gobyerno sa kasaysayan ng mundo ang Guinness World Record ng Pilipinas. Nakasungkit din siyempre ang UST ng dalawang world record sa magkaibang kategorya’t taon.
Noong Marso 9, 2011, inuwi ng UST ang “largest human cross” sa kanilang binuong Dominican cross na dinaluhan ng 13,266 katao.
16,729 katao naman ang nagbigay sa Unibersidad ng ikalawa nitong Guinness World Record sa kanilang pagbuo ng “largest human sentence” na “My teacher is my hero!” noong September 29, 2017, para sa Buwan ng mga Guro.
4. Ang tradisyon at pamahiin sa Arko ng mga Siglo
Sa apat na daang taon ba naman, hindi mawawala ang kahalagahan ng pagpapanatili ng tradisyon at ang kalakip nitong mga nag sanga-sangang pamahiin sa loob ng Unibersidad.
Ilan sa mga nakagawiang aktibidad sa simula ng taong pampanuruan ay ang Welcome Walk, kung saan dadaan sa makasaysayang Arko ng mga Siglo ang mga bagong mag-aaral, isang tanda ng pagsisimula ng kanilang pagiging Tomasino.
Sa pagtatapos naman ng kanilang pag-aaral, mayroong Baccalaureate Mass na sinusundan ng paglabas sa arko bilang mga Tomasinong magsisipagtapos.
Isa sa mga pamahiin ay habang hindi pa nakaka graduate sa Unibersidad, ‘wag na ‘wag lalabas sa arko, at kung hindi ay maaaring ma-debar o ma-drop sa kolehiyo.
Ilan lamang ang mga nakalista rito ang talaga namang mapapangiwi ang sinuman — dahil sa pagiging kakaiba, kakatwa, o kung ano pa man — sa napaka yamang kasaysayan at napagdaanang mga pangyayari ng Unibersidad.
Sa paglipas ng panahon, patuloy na lumilikha ang mga Tomasino ng mga panibagong kasaysayan at mga kwentong naiiba sa lahat.