Hindi ROTC ang huhubog sa disiplina ng kabataan
Ni Kurt Alec Mira
Naging kadete ako ng UST Golden Corps of Cadets noong freshman ako taong 2018. Tuwing Linggo, maaga akong gumigising para pumasok. Bago ako umalis ng bahay, sinisigurado kong malinis at makintab ang combat boots ko at maayos ang itsura ko; mula ulo hanggang paa. Dahil nagkokomyut lang ako mula Pasig tungong Maynila, sinisikap ko na hindi mahuli sa hanay. Siyempre, ayoko namang maparusahan o magka-demerit.
Bawat araw ng training, hinding-hindi mawawala ang pag-eehersisyo para magising ang katawan ng mga kadete. Sa kadalasan nga’y may mga pagkakataon na hingal na hingal na ‘ko ngunit pilit kong tinatapos ang ehersisyo — partida’t military count pa ang gamit. Bilang kadete, iba-iba rin ang mga ginawa namin noon. Hindi lang kami nanatili sa loob ng awditoryum upang mag-aral tungkol sa agham militar, nagkaroon din kami ng mga masasayang aktibidad tulad ng sportsfest, field trip, at pagbisita sa kampo ng militar.
Ngunit sa lahat ng ito, hinding-hindi ko malilimutan ang mga karanasan namin sa paghahanda para sa taunang Regional Annual Administrative Tactical Inspection (RAATI). Ilang linggo kaming nagsanay at nagmartsa sa ilalim ng init ng araw. May isa pa ngang pangyayari kung saan nag-obertaym kami para magsanay sa UST Field upang ayusin, linisin, at retokihin ang drills na maaaring tanghalin ng yunit. Pero sa huli, sobrang tuwa ko dahil hinirang na first runner-up ang batch namin.
Maganda ang lahat ng naging karanasan ko bilang kadete. Hindi ko maikakaila na marami akong naging kaibigan, at may iba pa nga na hanggang ngayon ay nakakausap at nakakasama ko pa sa galaan. Hindi ko rin maibabaon sa limot kung gaano kahusay ang mga officer namin na binubuo ng mga kababaihan noong mga panahong iyon. Siguro dahil na rin ramdam ko na ligtas kami sa mga kamay nila.
Habang masaya naman ang mga alaala ko sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), hindi kailanman dumapo sa isip ko na kaya ko kinuha ang ROTC bilang National Service Training Program (NSTP) ay para maging disiplinado. At lalong-lalo nang hindi dahil masokista ako’t trip ko lang magbilad sa araw at mangitim. Kung ako ang tatanungin kung bakit ako nag-ROTC, iyon ay dahil sa paintball at mga field trip.
Pagbabalik ng mandatory ROTC
Simula nang nahalal si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, naging usapin na ang pagbabalik ng kontrobersiyal na mandatory ROTC. Hindi rin nagpahuli ang bagong administrasyong Marcos. Sa nakaraang SONA, sinabi niya na balak ng kaniyang legislatura na ibalik ang mandatory ROTC para sa mga mag-aaral ng senior high school, publiko man o pribado.
Siyempre, bawat tao, bata man o matanda, ay may samot-saring opinyon hinggil sa muling pagtatag ng nasabing programa. Para sa mga matatanda, maganda ang ROTC para magkaroon ng disiplina at muwang sa nasyonalismo ang mga kabataan. Lagi na raw kasing nagrereklamo ang kasalukuyang henerasyonsa mga galaw ng pamahalaan. Bagkus, sumunod na lamang daw dahil karamihan ay “hindi naman nagbabayad ng buwis.”
Unang-una, lahat tayo ay nagbabayad ng buwis. At ikalawa, hindi ko talaga mawari kung bakit laging may opinyon ang mga matatanda sa mga bagay na hindi sila apektado. Dahil sa katunayan, hindi ako tinuruan ng ROTC maging isang disiplinadong mamamayan.
Bago ako sumali, may ideya na ako kung ano ang tama at nararapat gawin sa buhay. Ginagabayan ako ng pamilya ko, pati na rin ng mga malalapit kong guro, kung paano maging mabuting tao. Sa kanila ko natutuhan kung paano maging magalang sa kapwa, paano magdasal, bakit kailangan magpursigi, at bakit mahalaga ang paghihintay.
Kaya wala namang direktang epekto sa kaugalian ko ngayon ang programang ito. Hindi ako naging disiplinado dahil natapos ko ang mga ensayo at pagsasanay kada Linggo noon. Natapos ko ang lahat ng iyon dahil umpisa pa lang, disiplinado na ako.
Kung tutuusin, nakapag-ROTC naman ang mga matatanda, pero bakit karamihan sa kanila, walang disiplina? May mga mahihilig gumamit ng dahas para makipag-away sa kapwa. May mga pulis na pumapaslang ng mga inosente at kadalasan ay sasabihing aksidente o nanlaban. Ngunit higit sa lahat, napakaraming kurakot kahit saan — ’yung iba nga’y may pwesto pa sa pamahalaan.
Alam naman nating lahat na ang mga kabataan ngayon ay mas mayroon ng kamalayan sa tunay na kalagayan ng bansa. Tulad ng nagdaang halalan noong Mayo, 30% ng mga bumoto ay galing sa sektor ng kabataan. Maraming mag-aaral ang patuloy pa ring tumitindig para sa kabutihan ng Pilipinas, mula sa mga simpleng post tungkol sa kasalukuyang estado ng ating bansa hanggang sa pagpupulong at pagpoprotesta para sa ating karapatan.
May mga lumalaban din sa malawakang ‘disinformation’ na kinakalat ng iba’t ibang Facebook pages. At sa simpleng pagpapakita ng disiplina, marami ang nagtatapon ng kanilang kalat sa tamang basurahan. Para sa akin, ito ang tunay na disiplina at nasyonalismo. At hindi ito bunga ng ROTC.
Pasismong kultura
Nakausap ko ang iba kong mga kasama at iisa lang ang nasa isip namin: Maayos ang ROTC kung matino ang pamamahala. Ito ang dahilan kung bakit mataas ang respeto ko sa UST-ROTC ngayon. Wala ni isa sa amin ang nakaranas ng karahasan, o kaya pambu-bully. Pero kahit pagbali-baliktarin mo man o tignan ito sa iba-ibang anggulo, kahit ilang beses pa itong repormahin at baguhin, hindi maaalis ang pasismong kultura nito.
Kung ito ang magiging batayan ng disiplina, tulad ng iginigiit ng mga matatanda, bakit hindi pa rin mawala-wala ang mga balita tungkol sa hazing at pagmamalabis ng mga cadet officer sa underclassmen nila? Halimbawa na lamang noong 2019, nagkaroon ng insidente ng hazing sa Negros Occidental kung saan anim na cadet officer ang sinibak sa puwesto.
Huwag din nating kalimutan ang madilim na kasaysayan ng UST-ROTC. Sino ba ang mag-aakala na buhay ang magiging kapalit sa paglantad sa baho ng mga nakatataas sa yunit? At hanggang ngayon, dalawa pa rin sa apat na suspek ang hindi pa rin natitimbog ng kapulisan. Ipaalala man ng mga opisyal ng Hukbong Katihan ng Pilipinas (AFP) na hindi dapat maging parte ng training ang mga pangyayari tulad ng hazing, hindi pa rin ito sapat para matapos ang deka-dekadang kabahuan sa kultura ng ROTC.
Kaya ang akin lang, huwag naman sanang masamain ng mga konserbatibo ang mga hinaing ng henerasyon natin ngayon. Kung si Duterte nga’y hindi tinapos ang tungkulin niya sa ROTC, ibig sabihin hindi talaga ito nakahuhubog ng disiplina. Siguro kung ang magiging batayan sa pagbabalik ng ROTC ay para magsanay ang mga mag-aaral sa paghahanda para sa mga kalamidad, buwagin na lang mismo ng pamahalaan ang programa at gumawa ng panibago na hindi nakaugat sa pasismong kultura ng militar.
Iba na kasi ang panahon ngayon. Kung dati sinusukat ang katapatan at kapatiran gamit ang sigaw at kamao, ngayon alam na natin ang tama. Ito na ang panahon para tuluyang tanggapin na ang kabataan, hanggang ngayon, ay hindi magiging sunod-sunuran lamang. Sa huli, marami namang paraan para patunayan kung gaano natin kamahal ang bayan.