Goope, pinatalsik ng Teletigers dahil sa ‘di angkop na pag-uugali

TomasinoWeb
4 min readAug 20, 2022

--

Ni Anton Villegas

Litrato mula sa opisyal na Facebook page ng Teletigers Esports Club

Pinatalsik ng Teletigers Esports Club ang kanilang duelist/initiator na si Yuan de Guzman, o mas kilala sa kanyang in-game name (IGN) na “Goope” matapos niyang lumabag umano sa ilang mga tuntunin ng organisasyon at pagpapakita ng hindi magandang asal sa ibang mga miyembro.

Sa pahayag ng Teletigers noong Agosto 18, ipinaliwanag ng organisasyon na hindi naging maayos ang pakikitungo ni de Guzman sa kapwa niya mga manlalaro at kasama sa koponan.

Nilabag din umano ng manlalaro ang ilan sa mga “prinsipyo” ng Teletigers, ayon sa parehong post.

“Teletigers Esports Club believes that as much as intense banter is part of the game, there are limits to which one may express their frustrations, or their insults which is directly tied to one’s skill level and performance, and should not have any semblance of sexism, racism, classism, physical violence, threat of violence, death threats, mention of family members, including matters that are deeply emotional, financial, mental, and personal,” ayon sa Teletigers.

Iginiit ng koponan na ang pag-uugali ni Goope tungo sa iba pang mga manlalaro sa labas ng organisasyon ang naging rason kung bakit siya nabigyan ng mga paunang babala. Ito ay humantong sa kaniyang tuluyang pagkakatalsik sa organisasyon noong Huwebes ng hapon.

Ayon din sa pahayag, ang pagtanggal sa kaniya ay dahil din sa kaniyang diumanong “threat of violence” tungo sa ibang miyembro ng organisasyon.

“The warnings to Mr. de Guzman are due to his behavior towards players outside of the Organization. The suspension was caused by his behavior within the team, and the subsequent removal of Mr. de Guzman is caused by his threat of violence and persistent harassment towards the members of Teletigers Esports Club” ayon sa kanilang post.

Sa panayam ng TomasinoWeb kay de Guzman, hindi niya itinanggi ang paratang at totoo raw na pinagbantaan niya ang kaniyang coach.

Aniya, nagawa niya raw ito dahil “binastos nila” ang kaniyang mga magulang.

Kwento ni de Guzman, binastos umano ang kanyang pamilya noong siya ay pinag-uusapan ng ilang mga miyembro sa loob ng Discord server ng Teletigers.

“Sinabi nila nag death threat ako kay Lychee and that’s my bad,” inamin ni de Guzman.

“I kept my mouth shut pero dinamay kasi yung mom and dad ko linive sa Discord FB ko tapos inistalk tas trashtalk habang ako ay naka server mute,” dagdag niya.

Sa kabila nito, iginiit ni de Guzman na may pagkiling ang koponan tungo sa mga opisyal nito.

“I believe that the situation was not handled well by the TGR heads because they have their bias for Lychee because he is a staff of TGR,” ani de Guzman.

Kaniya ring iginiit na hindi raw hahantong sa ganito ang sitwasyon kung naging maliwanag ang pakikipag-usap sa kaniya ni Brent Santiago.

Si Santiago, o mas kilala sa IGN na “Lychee,” ay ang tumatayong coach ng Teletigers Sol, ang koponan ng organisasyon sa larong Valorant.

Sa kaniyang Twitter account ay nagbigay ng pahayag si Santiago ukol sa nangyaring isyu.

“Ilang taon din akong laging naninindigan sa karapatan ng bawat estudyante sa paaralan. Hindi porket wala na ‘ko sa mga konseho sa UST ay wala na rin akong ipaglalaban. Mahal na mahal ko ang Teletigers. Inampon ako nito ng buo. Aalagaan namin hangga’t kaya,” aniya sa isang tweet.

Samantala, nagkomento rin ang team manager na si Hannah Audrey Carpio, o mas kilala sa IGN na “Navier.”

Aniya ay wala namang manlalaro na nagsabing “pressured” sila kay Goope.

“This statement was later debunked by said player that was feeling pressured that the statement made was false,” saad ni Carpio sa kaniyang komento sa orihinal na Facebook post ng Teletigers.

Tinukoy ni Carpio ang isang bahagi ng pahayag ng Teletigers tungkol sa umanong “maling pag-uugali” ni Goope tungo sa kaniyang koponan.

Dagdag ng team manager, hindi naging patas ang desisyon na tanggalin kaagad si Goope sa koponan.

“The previous decision to remove Goope from the team was made without even consulting the whole team and the manager who’s been with the team for almost 2 years, then we were given half the voting power,” aniya.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang imbestigasyon tungkol sa pangyayari. Ngunit nilinaw ng Teletigers na hindi na sila ang mangununa sa mga ito. Anila’y dapat sa tamang awtoridad ito padaanin at tutulong na lamang ang kanilang organisasyon kung kinakailangan.

“Any complaints regarding the past and future behavior, attitude, and actions of Mr. De Guzman will not be entertained or processed by Teletigers Esports Club. We urge those with concerns regarding Mr. De Guzman to raise their complaints to the proper authorities such as but not limited to: Government Law Enforcement Agencies, School Administrators, and AcadArena. Teletigers Esports Club will be willing to cooperate in any investigation moving forward,” ayon sa pahayag.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet