Cabañero, Baclaan namayani upang tuldukan ang four-game losing streak ng Tigers
Ni Deinell Vincent Esplana
Dalawang overtime period ang kinailangan upang maputol ng UST Growling Tigers ang kanilang four-game losing streak matapos nilang pabagsakin ang San Beda Red Lions, 96–91, sa 15th Filoil EcoOil Preseason Cup na ginanap sa FilOil EcoOil Center, San Juan, Lunes ng hapon.
Isang crucial steal mula kay Nic Cabañero noong sampung segundo na lang ang nalalabi sa laban ang nagbigay daan para sa open layup ni Sherwin Concepcion na nag-angat ng lamang ng Tigers sa lima at tuluyang nakamit ang panalo.
Pinangunahan ni Cabañero ang Tigers. Siya ay nagtala ng 26 na puntos at siya rin ang pumukol ng tres upang dalhin ang kaniyang koponan sa unang overtime.
Isang all around performance din ang ipinamalas ni rookie point guard Kean Baclaan na nag rehistro ng 22 na puntos, siyam na rebounds at siyam na assists, kabilang na rito ang tres na nagdala sa UST sa ikalawang overtime.
Naging maganda ang simula ng UST matapos nilang magpakawala ng isang 13–0 scoring run na naging dahilan para sila’y makalamang ng 11 na puntos sa unang kanto ng laro.
Unti-unti namang gumapang pabalik sa laro ang Red Lions nang makuha nila ang lamang, 40–39, sa kalagitnaan ng ikatlong kwarter ngunit bumitaw rin naman sa bandang dulo.
Naging susi sa pagkapanalo ngTigers ang kanilang three-point shooting kung saan sila ay pumorsyento ng 33%, o 11/33 mula sa tres.
Tumulong din sa opensa sina Royce Mantua na nagmarka ng 14 na puntos, pito rito ay nagawa niya noong unang kwarter pa lamang at Sherwin Concepcion na nagtala ng 15 na puntos.
Nanguna naman para sa San Beda si John Bryle Bahio na gumawa ng double-double, 21 na puntos at 11 na rebounds.
Umangat sa dalawang panalo at apat na talo ang rekord ng UST sa Group B ng FilOil Preseason Cup.
Susubukan nilang kunin ang ikatlong panalo sa torneyo sa darating na Miyerkules kontra Letran Knights.