Builders Warehouse-UST, laglag sa PBA D-League matapos talunin ng Adalem Construction-St. Clare

TomasinoWeb
3 min readAug 10, 2022

Ni Francis Marvin De Ungria

(Kuha ni Kenneth Cedric Landazabal/TomasinoWeb)

Bigong makapasok ang Builders Warehouse-UST sa semifinals ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup matapos nilang matalo sa isang do-or-die na laro kontra Adalem Construction-St. Clare, 90–87, Miyerkules ng umaga, sa Smart Araneta Coliseum.

Maganda ang naging simula ng Adalem Construction-St. Clare kaya’t nakuha nilang lumamang sa unang kwarter ng laro matapos ang 12–0 run sa pangunguna nina Johnsherick Estrada at Jolo Sumagaysay.

Inalagaan ng Adalem Construction-St.Clare ang kanilang lamang sa ikalawang kwarter ng laro ngunit sa huling dalawang minuto, nagawang humabol ng UST dahil sa 8–0 run.

Tinuloy ng UST ang kanilang momentum sa simula ng ikatlong kwarter at agad nilang nakuha ang kalamangan dahil sa four-point play ni Paul Manalang.

Subalit sa dulo ng ikatlong kwarter ay nagtamo ng injury si Manalang. Pagkatapos nito ay nasungkit ng Adalem Construction-St. Clare ang kalamangan, 59–57, sa pagtatapos ng ikatlong kwarter.

Muling nag sagutan ang dalawang koponan sa simula ng huling kwarter ngunit nag-init ang Adalem Construction-St. Clare matapos ang kanilang 13–0 run at nakuha nila ang kalamangan, 74–63.

Nabawasan ang kalamangan ng Adalem Construction-St.Clare sa tulong ni Bryan Santos na umiskor ng sunod-sunod na anim na puntos upang makahabol ang UST, 76–69.

Dumikit ang laro sa huling minuto ng laro dahil sa mga puntos nina Kean Baclaan, Concepcion at Nic Cabañero na nanguna sa 11–2 run ng Tigers.

Ngunit hindi na muling hinayaan ng Adalem Construction-St. Clare na makalamang ang Tigers nang mag bigay sila ng matinding depensa upang magwagi sa iskor na 90–87.

Pinangunahan ni Estrada ang Adalem Construction-St. Clare na may 20 na puntos, limang rebounds, at tatlong assists. Nagtala rin si Babacar Ndong ng double-double na may 10 na puntos at 14 rebounds, at ang dating gwardya ng UST Growling Tigers na si Joshua Fontanilla ay may 12 na puntos, pitong rebounds at pitong assists.

Si Cabañero naman ang nanguna para sa UST na may 19 na puntos, anim na rebounds, at tatlong steals. Nagtala rin ng double-double si Santos na may 12 na puntos at 12 na rebounds. Si Baclaan naman ay may 17 na puntos at limang assists habang si Concepcion ay nagtala ng 15 na puntos at pitong rebounds.

Ito ang huling laro ng Builders Warehouse-UST sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup kung saan sila ay nagtala ng 4–5 record sa buong torneo.

The Scores:

Adalem Construction-St. Clare 90 — Estrada 20, Sumagaysay 14, Fontanilla 12, Rojas 12, Gamboa 12, Ndong 10, Lopez 6, Sablan 4, Estacio 0, Manacho 0, Tapenio 0, Galang 0, Victoriano 0, Acosta 0, Decano 0

Builders Warehouse-UST 87 — Cabañero 19, Baclaan 17, Concepcion 15, Pangilinan 13, Santos 12, Mantua 5, Manalang 4, Manaytay 2, Stevens 0, Canoy 0, Herrera 0, Crisostomo 0, Escobido 0, Gesalem 0

Quarters: 24–14, 37–35, 59–57, 90–87.

--

--

TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas