Ang Nagtatagong Humahalakhak

TomasinoWeb
3 min readOct 31, 2019

--

by Len Cy Nagtalon

Illustration by Aldrich Aquino

Sabi ng Lolo ko noong bata pa ako, habang nakaupo ako sa hita niyang nagkukuyakoy, ay may ibang mga nilalang daw na kasamang mabuhay ng mga tao. May mga tikbalang, multo, manananggal, duwende, manggagalaw, mambabarang, aswang, tiktik, tiyanak, at marami pang iba. Mananatili raw sila sa aming mga tabi dahil sila na ang mga nauna. Wala pa sa kalingkingan ng aking pang- unawa na kayaning paganahin ang rason upang kuwestiyunin ang mga sinasabi ni Lolo. Ngunit sa tuwing nais nila akong pasunurin o utusan, pinapagana nila ang mga istoryang kanilang itinanim sa mura kong isipan. Habang tumitibay ang aking karunungan, nawawaglit na sa akin ang mga paniniwala sa mga haka- hakang ibinahagi sa akin ni Lolo. Sa tuwing uulan habang tirik ang araw, huli ko nang naiisip ang kasal ng tikbalang dahil nauuna na ang lohikong eksplanasyon para dito. Ito ay hanggang sa tumungtong na ako sa kolehiyo.

Madalas akong gabihin noong mga unang linggo ng klase dahil wala pa naman gaanong pinapagawa sa eskwela. Panay ang paggala ko kasama ang barkada hanggang abutan na ako ng dilim sa pag- uwi. Gabi ng Huwebes noon, alas otso na ng gabi nang makababa ako mula sa UV express. Mula sa binabaan ko ay kakailanganing maglakad sa madilim na kalsada at sa dulo ay may isang pahabang waiting shed. Umaambon noon at ang tanging liwanag lamang sa daan ko ay ang ilaw ng mga sasakyang dumadaan. Hawak ko ang cellphone na nakabukas ang flashlight para makita ko ang aking tinatapakan. Pagkatuntong ko sa ilalim ng waiting shed, ay bahagyang mas lumamig ang hanging pumapalibot sa aking balat. Malamig man ang paligid, mayroong mainit na hangin na dumadampi sa aking kanang pisnge at leeg, wari mo ay may taong humihinga sa aking tabi.

Kahit nag-aalangan ay lumingon ako, ngunit malawak na kadiliman lamang ang sumalubong sa akin. Alam kong ako lamang mag- isa nang mga oras na iyon. Kahit nangilabot ako ay hindi ako tumigil sa paglalakad. Parang walang hangganan ang waiting shed na nilalakaran ko. Malapit na ako sa dulo ngunit bago pa man ako makalagpas, ay may narinig akong mahinang hagikhik mula sa kanang gilid ko. Gusto ko nang sumigaw at kumaripas ng takbo ngunit hindi ko mailakad nang mabilis ang aking mga paa. Hindi na ako lumingon at patuloy akong naglakad. Malamig ang pawis na tumatagaktak mula sa aking noo. Nanalangin akong kung sino o ano man iyon ay ‘wag naman sana akong sundan.

Nakauwi akong tulala at halatang nababagabag. Inilapag ko ang bag sa sofa namin at inalok akong kumain ng hapunan. Napansin siguro ni Mama na matamlay ang aking pagnguya kaya tinanong nya ako.

“Anong nangyari sa’yo?”

Sandali akong tumingin sa kanya at bumalik sa pagkain. Sa mga sandaling iyon ay nanariwa sa akin ang mga kwento ng Lolo ko tungkol sa mga elementong ligaw na namamalagi sa dimensyong ginagalawan ng mga tao. Kaya kahit walang konkretong paliwanag ay sumugal ako.

“Ma, ano ngang tawag dun sa elementong pinaglalaruan ka kapag mag- isa ka lang?”

“Hindi mo na naman dala ‘yung pangontra mo ano?”

Pinutol ko ang tingin sa kanya.

“Kaya nga binigay sayo ni Lolo Pail ‘yun, para di ka lapitan ng mga ‘yan”

Mga ‘yan? Ano ba sila? Sino ba sila?

Ikinwento ko kay Mama ang mga nangyari at inabisuhan nya akong dalhin ang pangontrang pinamana sa akin ni Lolo. Kinabukasan, sinubukan kong umuwi nang mas maaga ngunit nang dahil sa trapik, inabutan ako ng alas sais bago makababa sa kalye ng Maharlika. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw ang waiting shed na walang tao. May kakaunting liwanag pa mula sa langit ngunit hindi ito sapat para buwagin ang mga daga sa dibdib ko. Mahigpit kong kinapitan ang pangontra na nasa loob ng aking bulsa at pigil-hiningang nilagpasan ang waiting shed. Walang malamig na hangin, walang mainit na hininga, at walang mala- demonyong hagikhik. Pagkalagpas ko sa waiting shed, ay lumingon ako sa direksyon nito. Hindi ko alam kung namalikmata lamang ako ngunit may aninong nakatayo sa dulo ng waiting shed bago ang parteng nalalapatan na ng ilaw. Kumukubli ito mula sa liwanag. Pinagsisihan ko agad ang pagbalik ng tingin at kumaripas ng takbo papunta sa istasyon ng jeep.

Ngayon, sa tuwing dadaan ako sa waiting shed na iyon, mahigpit kong tangan ang pangontra ni Lolo at hinding hindi na ako lumilingon… kahit pa tawagin nito ang pangalan ko.

--

--

TomasinoWeb
TomasinoWeb

Written by TomasinoWeb

The Premier Digital Media Organization of the University of Santo Tomas

No responses yet